top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Build, Build, Build Program ni P-Duterte, nauwi na lang sa drawing ang iba

  • Sonny Angara
  • Nov 23, 2019
  • 2 min read

Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Tulad ng ipinangako ng Mataas na Kapulungan, tinapos noong Miyerkules (Nobyembre 20) ang debate sa P4.1 trilyong 2020 National Budget sa pangunguna ng ating komite, ang Senate Committee on Finance. Sa susunod na linggo, sisimulan naman ang period of amendments, ang second at third readings.

Pinakahuling tinalakay ang budget ng tatlong ahensiya na kinabibilangan ng Department of Transportation (DOTr), Presidential Communications Operations Office (PCOO) at Department of Interior and Local Government (DILG).

Kung gaano kagaan ang dinaanan ng PCOO, naging masinsinan naman ang pagbusisi sa budget ng DOTr at DILG dahil sa mga usapin sa underspending.

Gayunman, umaasa tayong bago matapos ang taon, lalapag na sa tanggapan ng pangulo ang panukalang-budget upang malagdaan na sa lalong madaling panahon.

◘◘◘

Sa kasagsagan ng pagdepensa natin sa P4.1 trilyong 2020 National Budget sa Senado bilang chairman ng Senate Committee on Finance, tahasang sinabi sa interpelasyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang Build, Build, Build Program ng gobyerno ay malaking kabiguan.

Ayon sa butihing senador, ito ay dahil sa 75 flagship projects ng administrasyong Duterte, siyam (9) pa lamang ang naumpisahan at matatapos, gayung nasa huling dalawang taon na lamang ang termino ng pangulo.

Hindi natin minamasama ang pahayag na ito ng kagalang-galang na senador dahil ito ang kanyang opinyon. Pero bigo o ‘failure’ nga ba ang Build, Build, Build Program ng administrasyon?

Ang sagot natin — hindi. Puwede siguro nating sabihing dahil marami sa 75 projects ay ‘ambitious’ o sobrang malalaki, hindi gaanong napag-isipan o napag-aralan kung kakayanin ba o hindi. Pero malinaw na hindi ito maituturing na kabiguan.

Unang-una, dahil maraming proyektong pang-imprastruktura, malaki rin ang nagagastos dito ng pamahalaan. Isa ‘yan sa mga patunay na hindi failure ang BBB.

Sa 75 flagship projects, 28 ang tinanggal at hindi na itutuloy pero pinalitan ng panibagong mga proyekto na ‘doable at fundable’. Ibig sabihin, ang mga ipinalit na proyekto ay madaling gastusan at mas madaling magagawa.

Dahil d’yan, ‘yung dating 75 projects, naging 100 na, base sa listahang ibinigay ng administrasyon.

Kabilang sa mga tinanggal na naglalakihang proyekto ang Mindanao hanggang Visayas Bridge.

Sa lawak at laki ng masasakop na lugar ng proyekto, talagang napakalaking halaga ang kakailanganin at mabigat din sa manpower.

Pero, bakit naantala ang ibang mga proyekto?

Para sa kaalaman ng lahat, ang lahat ng proyekto ay hindi basta na lang sumasabak. Dumaraan ang mga ito sa masusing pag-aaral at kailangang resolbahin muna ang mga usapin sa ‘right of way’ lalo na sa mga proyektong imprastruktura.

Bagaman, malaki ang posibilidad na hindi matatapos ang lahat ng ito kasabay ng end of term ni Pangulong Rodrigo Duterte, umaasa tayong lahat ay mauumpisahan at matatapos na sa susunod na administrasyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page