Food supplements, hindi gamot kaya ‘wag magpaloko

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
“No Approved Therapeutic Claims” o “Mahalagang Paalala: Ang ‘Brand X’ ay hindi gamot at hindi dapat gamiting panggamot sa anumang uri ng sakit.”
Ito ang madalas nating makita sa mga pakete ng mga food supplements o produktong hindi gamot pero ang presentasyon ay parang gamot at ipinakikita sa kanilang mga patalastas ang mga diumano’y gumaling na gamit ang kanilang produkto.
Lumalabas tuloy na napakaraming Pinoy ang hindi nakaiintindi sa babala dahil marami pa rin ang gumagamit ng mga produktong hindi natin maintindihan kung epektibo ba talaga.
Ayon sa mga eksperto, lahat ng iniinom na gamot — kapsula man o tableta, epektibo man o hindi ay may epekto sa ating kidney at mismong ang sinasabing proteksiyon para sa kidney ay nakasisira rin.
Ang nakakatakot sa lahat, kapag ang kidney natin ang bumigay dahil lamang sa kaiinom ng kung anu-anong gamot, sa dialysis lang o transplant maaaring humantong ang lahat.
Dito medyo kumplikado ang nangyayaring sistema sa pagbebenta ng mga kung anu-anong tableta o kapsula na mukhang gamot ang presentasyon pero mga food supplements.
Marami ang ginagamit pa ang diyaryo, radyo at telebisyon para lamang i-promote ang kanilang produkto dahil sa ganitong paraan ay marami ang naniniwala at agad na bumibili.
Ang resulta, nagsisiyaman ang mga gumagawa ng hindi malamang produktong ito na tinatawag na food supplement pero may babalang hindi gamot kaya wala silang sagutin sakaling pumalpak ang naturang produkto.
Sa ating palagay ay dapat maging istrikto ang Food and Drug Administration (FDA) hinggil dito dahil maraming negosyante ang nagsasamantala sa kahinaan ng mga mamimili na naniniwala sa patalastas.
Maliban sa paalalang hindi gamot ang mga ito, dapat malinaw din ang mga maaaring epekto ng mga produktong ito sa iba’t ibang kondisyon ng pangangatawan at sa kabuuang kalusugan ng may pangangatawan.
Kung ang mga manufacturers ay hindi kayang panindigan ang produkto nila, dapat maging maingat ang publiko sa paniniwala sa produktong ang mga gumagawa lang ang nagsasabi na mabisa, kasabay ng mga kung sinu-sinong nagbibigay ng testimonya sa magandang epekto nito.
Sakaling may napahamak dahil sa kabibili ng mga produktong hindi naman pala gamot, malamang pagtawanan pa tayo ng mga ‘yan dahil hindi tayo marunong umintindi ng babala na hindi gamot ang kanilang ibinebenta.
Kaya kapag sinabing ito ay hindi gamot at hindi dapat gamiting panggamot sa anumang uri ng sakit, huwag nang lokohin ang sarili na ipanggagamot pa ito, maniwala kayo sa babala at huwag matigas ang ulo.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments