DTI sa mamimili: Manlolokong online sellers, ireklamo!
- Ryan B. Sison
- Nov 22, 2019
- 2 min read

Sa kabila ng hindi na matapus-tapos na reklamo ng mga online shopper na nagkaroon ng hindi magandang experience sa online shopping, marami pa rin ang gumagamit nito dahil convenient at kung minsan ay libre pa itong ipinadadala sa bahay.
Ngunit, tulad ng nabanggit, hindi lahat ay may magandang experience kaya may mga nagsasabing hindi nila natanggap ang kanilang order, nakatanggap ng defective items at meron ding nakakuha ng produkto na hindi naman nila binili.
Kung may online shoppers na idinaraan sa socmed ang kanilang reklamo, meron din namang nagkikibit-balikat dahil para sa kanila, suwertehan lang sa online shopping.
‘Yung tipong kapag nakatanggap ng magandang produkto ay sulit, pero kapag palpak, dedma na lang.
Kaugnay nito, hinihikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na magsampa ng reklamo sa kagawaran upang mabigyan ng kaukulang aksiyon.
Tiniyak ng DTI na tinutugunan nila ang lahat ng mga reklamo laban sa mga online seller, gayundin, pinasasagot umano ng kagawaran ang mga ito kapag may natatanggap silang reklamo tulad ng pagre-repair, refund at replace ng mga item.
Samantala, pinayuhan naman nito ang mamimili na bumili sa lehitimong online sellers para hindi sila maloko.
Pero ang sagot ng ilan, sa sobrang dami ng nagsulputang online sellers, nahihirapan na silang tukuyin kung sino ang mapagkakatiwalaan at hindi.
Bagama’t, nakikita nating nagsisikap ang DTI na mapanagot ang mga inirereklamong seller, hindi ito sapat para sa iba.
Kung pagre-refund o replace lang ang dapat nilang gawin kapalit ng palpak na serbisyo, tiyak na mauulit lang ito.
Suhestiyon natin, higpitan ang proseso bago payagang magbenta ang seller. Kapag nakapagbenta, dapat magtalaga ng maintaining rating o ‘yung bilang ng mga positibong review mula sa mga kostumer dahil ito ang magpapatunay na maganda ang serbisyong ibinibigay ng mga seller.
Kailangang maging masipag ng ahensiya sa pagsilip kung napananatili ng mga online shop ang magandang serbisyo sa kanilang mga kostumer.
At kasabay nito, dapat ding rebyuhin ang mga produktong ibinebenta kung ligtas ito sa mga kostumer at hindi peke.
Sa totoo lang, maproseso at matrabaho ang suhestiyong ito, pero kung higit itong makatutulong sa mga mamimili at hindi madadamay ang mga lehitimong seller, dapat na itong gawin.
Panawagan sa kinauukulan, kung gusto nating protektahan ang mamimili, protektahan din ang mga mabubuting seller na gustong kumita ng pera sa tamang paraan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.




Comments