top of page
SHEET - CLAUDINE, NAPIKON NA TINAWAG NA BIPOLAR, MAGDEDEMANDA_FB Claudine Barretto.jpeg

Tuloy ang dynasty ng Ateneo sa 3rd crown

A. Servinio / VA
Nov 21, 2019
2 min read

Walang nakapigil sa pagwalis ng Ateneo de Manila University ng 82nd University Athletic Association (UAAP) Seniors Basketball. Pinakita ng Blue Eagles ang kanilang kalidad kontra sa University of Santo Tomas, 86-79, sa Game 2 ng kanilang serye kahapon sa napunong Mall of Asia Arena at wakasan ang taon ng walang talo sa kanilang 16 na laro.

Hindi naging madali ang daan patungo sa tagumpay at ginawa ng UST ang lahat para magkaroon ng isa pang laro ang serye.

Matapos ipasok ni Sherwin Concepcion ang tres para lumapit, 71-75, sinagot ito ng walong sunod na puntos galing kay Thirdy Ravena at tinuldukan ng dunk ni Ange Kouame para maging 12 ang lamang papasok sa huling dalawang minuto, 83-71.

Bahagyang lumapit muli ang Tigers sa likod ng isa pang tres ni Concepcion at buslo ni Mark Nonoy, pero inilabas ni Ravena ang huling alas ng kanyang makulay na karera sa UAAP – ang buslo na pangdiin at ibalik sa 10 ang kanilang kalamangan at isang minuto ang nasa orasan, 86-76.

Wagi ang Ateneo sa unang laro ng serye noong Sabado, 91-77 at umarangkada agad sa first quarter, 31-18.

Subalit ginawa ang lahat nina Rhenz Abando, Nonoy at Soulemane Chabi Yo ang lahat para hindi makalayo ang Blue Eagles. Dahil sa kanyang 17 puntos, 7 rebounds at 5 assisst kasama ng kanyang husay sa Game 1, napili si Ravena bilang Most Valuable Player of the Finals. Malaki rin ang natulong sa kanya ng mga guwardiyang sina SJ Belangel na may 15 puntos at Matthew Nieto na may 14 puntos at 5 assists.

Bago ang laro, pinarangalan ng liga si Chabi Yo bilang MVP ng taon. Sinamahan siya sa Mythical Five nina Justine Baltazar at Jamie Malonzo ng De La Salle University, Kobe Paras ng UP at Rey Anthony Suerte ng UE habang si Nonoy ang Rookie of the Year.

Ito na ang ikatlong sunod at ika-11 na kampeonato sa UAAP ng Ateneo buhat noong una silang lumahok noong 1978.

Ito rin ay angkop na pagpaalam sa mga graduating seniors na sina Ravena, Adrian Wong, George Isaac Go at magkapatid na Matthew Nieto and Mike Nieto.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page