top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Pagtuturo ng maganda at tamang kaugalian sa kabataan, gawing puspusan

  • Kuya Win Gatchalian
  • Nov 21, 2019
  • 2 min read

Sa panahon ngayon na tila naglalaho na ang moralidad at tamang pag-uugali ng ilan sa mga kabataang mag-aaral, maraming guro, punong-guro at magulang ang naniniwalang kailangan nang muling mapaigting ang pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) o kilala rin bilang Values Education sa mga paaralan.

Kawalan ng paggalang sa nakatatanda, walang pagmamalasakit sa kapwa o hindi pagtatapon sa tamang basurahan — ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit kailangan nating harapin ang hamon para ihanda ang kabataan tungo sa magandang hinaharap na pakikinabangan ng lipunan.

Marami ang nakapapansin sa pagbabago ng pananalita at pagkilos ng mga kabataan ngayon at nakalulungkot na marami rin ang tila hindi ito binibigyan ng atensiyon at kahalagahan.

Iba’t iba ang pinagmumulan o sanhi ng ganitong mga pagbabago.

Maaaring bunga ito ng kakulangan sa oras ng mga magulang. Dapat sana ay mabigyan din nila ng panahon na maikintal ang mabuting-asal sa kanilang mga anak.

Ang maaaring isa pang sanhi ay ang pagbababad ng mga bata sa paggamit ng gadget at internet na nagkakaroon ng malaking impluwensiya sa kanilang disiplina sa sarili at maging sa pakikitungo sa iba.

Ito ang dahilan na hinihikayat din ng ating mga guro na kailangang magsimula sa tahanan ang edukasyon sa wastong pag-uugali at sesegundahan ang pagsasanay nito sa paaralan.

Pagdating naman sa klasrum, mahalaga rin ang pagbibigay ng sapat na oras upang maituro, matalakay at mapag-aralan ang GMRC.

Noon ay madalas naisasantabi ang pagtuturo ng paksang ito dahil maaaring nakakalimutan o hindi nakikita ang kabuluhan nito, kaya napapanahon na upang muling bigyan ito ng pansin sa kurikulum.

Tulad sa kahalagahan ng pag-aaral ng mga konsepto ng Science, Math, English, Araling Panlipunan at iba pang mga paksa, naniniwala tayo na kasinghalaga rin nito ang GMRC.

Tulad ng ating tinalakay sa pampublikong pagdinig sa Senado kamakailan, kailangan na talagang dagdagdan ang bilang ng oras sa pagtuturo ng nasabing paksa at dapat na ring ayusin ang kurikulum.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ito ang isa sa ating mga tinututukan sa pamamagitan ng panukalang-batas na isinumite ni Senator Joel Villanueva na Senate Bill No. 860 o Comprehensive Values Education Act.

Ipinaliliwanag dito na ang paksang Values Education ay lilinang sa konsepto ng paggalang sa sarili at nakatatanda, pagkakaiba-iba ng kultura, kasarian at kapaligiran.

Ituturo rin sa GMRC ang kapayapaan, hustisya, nasyunalismo at pandaigdigang pagkamamamayan. Sakop din nito ang pagpapasensiya, pagtitiyaga, industriya, katapatan, integridad at pakikisalamuha sa ibang tao.

Sa madaling salita, kinakailangan na ang GMRC ay mayroong malinaw, natatangi, tiyak at kongkretong pamamaraan ng pagtuturo kaakibat ang mga angkop na gawain upang maisabuhay ng mga estudyante ang mga ito.

Naniniwala tayong napapanahon nang maipalaganap sa mga paaralan sa buong bansa ang polisiyang ito upang manumbalik ang lumilikong prinsipyo ng mga Pinoy na siyang makapagtataguyod sa pagkatao at tutukoy sa kinabukasan ng bawat isa.

Umpisahan natin ang kampanyang ito sa minamahal nating mga kabataang Pinoy.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page