Gold medal, puntirya ng PHL table tennis
- Gerard Arce
- Nov 21, 2019
- 2 min read

Tagtuyot sa gintong medalya ang nais wakasan ng Philippine Table Tennis Federation Inc. sa 30th edition ng Southeast Asian Games sa bansa simula Nob. 30-Dis.11 sa iba’t ibang panig ng Luzon.
Tanging ang 48-anyos na si Richard Pugoy Gonzales ang nananatiling sandalan ng bansa para sa medalya ng pambansang koponan na nakakakolekta na ng 2 silver at 6 na tansong medalya simula 1999 Bandar Seri Begawan, Brunie Games.
Maaaring ito na rin ang huling pagkakataon na masasaksihan ang top-table netter ng bansa na humakot ng silver medals sa 2005 Manila meet at 2015 Singapore Games habang mga tanso noong 1999 (Brunei), 2005 (Manila; men’s team kasama sina Joseph Cruz at Ernesto Tabuen), 2009 (Vientiane), 2013 (Naypyidaw), 2011 (Jakarta katambal si Rodel Valle sa men’s doubles), at 2017 (Kuala Lumpur) karamihan ay sa men’s singles.
Sa kasaysayan ng table tennis, dominado ng koponang Singapore ang biennial meet at nitong nakalipas na Malaysian meet ay muli nitong nakuha ang 5 gold, 6 silver, 1 bronze medals.
Ngayong taon ay aaasa muli ang bansa sa mga kamay ni Gonzales katulong sina Jann Mari Nayre na lalaro sa men’s singles at doubles, John Russel Misal na makakatambal ni Nayre sa doubles, Japheth Adasa na makaka-partner ni Gonzales sa doubles, Rose Jean Fadol at Jannah Maryam Romero sa women’s singles at Emy Rose Dael na makakasama ni Romero sa doubles at Kheith Rhynne Cruz na tutulungan si Fadol sa women’s doubles.
Ang 5-foot-8 na si Gonzales ay nagwagi ng kanyang gintong medalya sa 2005 Southeast Asian Table Tennis Championship habang nakuha rin nito ang bronze medal sa 2014 World Championship of Ping Pong sa London ng yumukod ito kay 3-time World champion Maxim Shmyrev ng Russia sa semifinal round kasama si Ian Lariba na nagrepresenta ng Pilipinas sa naturang pandaigdigang kompetisyon.
Gaganapin ang mga aksyon sa table tennis match sa Subic Bay Exhibition & Convention Center simula Dis. 6-10 kalaban ang powerhouse Singapore, Indonesia, Vietnam, Thailand at Malaysia.





Comments