VP Leni, hindi narcolist ang kailangan kundi tamang istayl sa pagsugpo sa droga
- Bobi Tiglao
- Nov 20, 2019
- 2 min read
Ikinagulat ng marami ang pahayag ni VP Leni Robredo na ibigay sa kanya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang listahan ng mga drug lord.
Kailangan daw niya ito para matugunan ang katungkulang ibinigay sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee Against Illegal Drugs (ICAD).
Bakit niya ito gustong makuha, ipahuhuli ba niya sa kanyang mga tauhan?
Kakausapin ba niya ang mga ito nang mahinahon para itigil ang kanilang negosyo na nakasisira sa buhay ng maraming Pinoy at kukumbinsehing maghanap na lang ng ibang pagkakakitaan?
Dahil sa mga ganitong demand ni VP Leni, nabuo ang suspetsa ng marami sa ating mga kababayan na mali ang desisyon ni Pangulong Duterte na italaga siya bilang drug czar.
Depensa ng bise-presidente, hindi siya dapat paghinalaang ibubunyag niya ang mga pangalang nakalagay sa narcolist. Paano kung makalimutan niya ang protocol at ‘maipakita’ niya sa kanyang mga alalay na ipakikita naman sa iba?
Ang pinaka-spokesman niyang si Barry Gutierrez ay miyembro ng maka-kaliwang grupo na Akbayan.
Paano kung itimbre ito ni Gutierrez sa mga hindi mapagkakatiwalaang tao, siguradong matatalo ang war on drugs ni Pangulong Duterte na siyang ikababagsak nito?
Kakampi ng dilawan ang Akbayan at matagal na nitong pangarap na mapabagsak ang poder ng pangulo.
Makabubuti kung tanggapin na lang ni VP Leni na ‘co-chairman’ siya at hindi ‘heneral’ sa giyera kontra ilegal na droga at ang mabuti niyang gawin ay pag-aralan niya kung ano talaga ang maitutulong o maiaambag niya batay sa kanyang kakayahan at kaalaman.
Sa tingin niya, hindi war on drugs ang kailangan at sa halip ay makumbinse ang kabataan na huwag gumamit ng ipinagbabawal na gamot habang ang mga adik ay tulungang matigil sa masamang bisyo.
Kung ito ang nakikita niyang paraan, gumawa siya ng malawakang kampanya sa mga kolehiyo para malaman ng kabataan kung gaano kasama ang epekto ng bawal na gamot sa buhay at kapag tuluyan silang naadik o nalugmok sa masamang gawaing ito.
Tulad ng kampanya ng asawa ni ex-U.S. Pres. Ronald Reagan na “Just Say No” na bahagi ng war on drugs nito. Malaki ang epekto ng kampanyang ito upang makumbinse ang kabataang Amerikano na talikuran o huwag subukan ang ilegal na droga.
Ganito ang puwedeng gawin ni VP Leni o imbes na mag-demand ng narcolist, pagtuunan niya ng pansin ang pagtatayo ng mga drug rehabilitation center, mula sa siyudad hanggang sa malalayo at tagong komunidad.
Ang malaking problema, hindi madali sa mga adik na bitiwan ang kanilang bisyo dahil meron itong tamang proseso at pagtulong sa kanila ang isa sa mga puwedeng gawin ni VP Leni, gumawa ng kung anu-anong bisyo na nagdudulot ng ‘misunderstanding’ sa isip ng nakararami.
Matitigil ang kanilang bisyo, mababawasan ang mga user at posibleng mapilay ang kanilang negosyo kapag napunta sila sa rehabilitation center na libre kung saan hindi sila makakatira ng ilegal na droga para maalis nila sa kanilang katawan ang anumang kemikal na nagpapaadik sa kanila at tuluyang maging malaya sa bisyong ito.
Malaki ang maitutulong ni VP Leni, huwag lang niyang gamitin ang kanyang bagong posisyon sa politika.





Comments