top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Mga drayber para iwas-aksidente.. Seminar muna bago lisensiya

J. Tumbado
Nov 20, 2019
1 min read

Itinutulak na maipasalang muna sa seminar o re-education program ang lahat ng drayber sa bansa na magpapa-renew ng lisensiya.

Sa ilalim ng House Bill 3196 ni Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor, inoobliga ang mga drayber na sumalang sa isang araw na Mandatory Driver’s Re-education Program kada limang taon. Hindi maaaring i-renew ang driver’s license hangga’t hindi nakukumpleto ang bilang ng oras na itinakda ng programa.

Nakahanay sa hihimayin sa Driver’s Re-education Program ang basic policies ng Land Transportation Office (LTO), road safety, road rage, anger management, traffic signs and road pavements at iba pang subject na pupuwedeng makatulong sa mga drayber para madisiplina.

Ikinakatwiran ng kongresista sa kanyang panukala na kahit pa magkaroon ng mga imprastruktura at pagpapalawak ng mga daan ngunit, hindi naman nasusunod at hindi naiintindihan ng mga drayber ang mga batas-trapiko at alintuntuning pangkaligtasan, patuloy ang mga aksidente at pagkamatay.

Tinukoy ni Rep. Defensor ang mga ulat na apat na tao ang namamatay kada araw dahil sa aksidente sa kalsada na naiiwasan sana kung responsable ang mga drayber.

Sa tala ng PNP-Highway Patrol Group, 1,186 na ang namatay sa mga aksidente mula noong Enero hanggang Setyembre ng kasalukuyang taon.

Ayon pa sa MMDA, kabilang sa pangunahing dahilan ng road accidents sa Metro Manila ay human error.

Nakaaalarma na rin aniya ang paglobo ng mga lumalabag sa trapiko kada taon.

Sakaling maisabatas ang programa, ang program fee para sa mga opisyal ng gobyerno at empleyado ay sasagutin ng kanilang ahensiya, ang bayarin naman sa mga public utility vehicle at sa mga nagsisilbing company o family driver ay babalikatin ng kanilang operator o employer habang ang mga pribadong indibidwal ay sarili nang gastos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page