Mga ayaw paawat sa vandalism, sa socmed na lang umariba

Imbes na mas mahahalagang bagay ang paggastusan at pagkaabalahan ng siyudad, pinipilit ng mga abusado’t pasaway na paglinisin ang mga kawani ng pamahalaan sa ginawa nilang pambababoy sa iba’t ibang bahagi ng Lungsod ng Maynila.
Ito ba ang gustong mangyari ng mga pasaway sa Lungsod ng Maynila?
Tulad ng nasabi natin, iginagalang natin ang karapatan ninyong ilabas ang inyong saloobin o reklamo, pero sana ay ilagay natin ito sa lugar.
May mga narinig tayong pintura lang daw ‘yun at mas importante ang mensahe. Seryoso? Oo, pintura lang ito, pero sa gobyerno na lubog sa utang, maraming suliranin at dapat unahin, nakadaragdag pa ito sa problema natin.
Kung mensahe lang ang pag-uusapan, napakaraming paraan para ipaalama ang inyong mensahe, may social media tayo at puwedeng mag-rally, pero hindi ‘yung bababuyin natin ‘yung dati nang marumi.
Iba ang sitwasyon ng Maynila kumpara sa ibang siyudad. Iba ang problema natin dito at halos kultura ang binabago natin at hindi ‘yung pagkitil sa karapatang magpahayag.
Hindi ‘yun ang isyu, kung ilalagay ninyo ang inyong sarili rin sa lugar ng inyong lingkod, maintindihan ninyo ang pinanggagalingan natin.
Buong kababaang-loob tayong nakikiusap na kahit paulit-ulit pa ay hindi tayo mapapagod. Please, makiisa na tayo sa ating hangarin na linisin at isaayos ang kapitolyo ng ating bansa.





Comments