Mga adik sa vape, wa' paki na may namatay na, hithit pa more
- Bong Revilla
- Nov 20, 2019
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Masyadong nabulabog ang vape community dahil sa walang humpay na mga banat ng halos lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa mga gumagamit ng vape o e-cigarettes kung saan sobrang negatibo na ang bisyong ito.
Maging ang mga radio broadcasters at kolumnista sa diyaryo ay tila nagkakaisang patumbahin ang pagpasok ng vape o e-cigarette sa bansa na labis na ikinaiirita ng mga gumagamit nito.
Alam ba ninyong may mga negosyanteng nagsisiyaman dahil sa bisyong ito at mayroon na silang small community sa iba’t ibang lugar sa bansa na tuwing gabi ay nagtitipun-tipon para lamang makapagbuga nang malaya?
Kung pupunta kayo sa mga naglipanang vape shop, partikular sa ilang bahagi ng Kamaynilaan ay halos mga ‘maykaya sa buhay’ o young professional ang suki ng bisyong ito.
Although, may ibang grupo rin ang kabataang hindi naman nanggaling sa mayayamang sektor pero lahat sila ay nagkakaisang nagkakasayahan sa malaulap na usok kung saan hindi na sila nagkakakitaan habang buga nang buga sa isa’t isa.
Sa totoo lang, maraming vape shop na pagsapit ng gabi ay napupuno ng kotse ang mga parking area at para silang relihiyon na nagtitipun-tipon at nag-uusap ng kung anu-anong negosyo.
Madalas na usapan sa mga vape shop na kaya nanggigigil ang pamahalaan sa vape o e-cigarette dahil sa wala pa itong tamang buwis dahil sa dami ng mga backyard manufacturers ng juice nito na siyang inilalagay sa mismong vape.
At kahit nasa 18 na ang iniulat na nasawi sa vape mula sa 1,080 kasong kinasasangkutan nito na iniulat mismo ng U.S. Food and Drug Administration, tila hindi natitinag ang ating mga kababayan na gumon dito.
Maging ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ay suportado ang Department of Health (DOH) na ipagbawal na ang paggamit ng vape o e-cigarette sa pampbulikong lugar.
Nagpalabas na rin ng mga pahayag na dapat ipatigil ang vape o e-cigarette ang ilang mga lokal na pamahalaan sa buong bansa na labis na ikinasasama ng loob ng mga gumagamit ng vape dahil sa agad umanong nagsasalita ng walang kaukulang pag-aaral.
Bukambibig din ng mga nasa vape community na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa umanong namamatay sa Pilipinas na gumagamit ng vape at hindi dapat gamit ang ulat ng ibang bansa.
Ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon ay naglabas na ng detalye ang DOH hinggil sa isang 16-anyos na dalagita na taga-Visayas na kumpirmadong biktima ng kauna-unahang lung injury dahil sa paggamit ng vape o e-cigarette.
Ano kaya ang masasabi ng vape community hinggil dito, talaga bang hihintayin muna nating may mamatay sa paggamit nito para maniwala kayong delikado ang paggamit ng vape o e-cigarette?
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments