Letran Knights, champ Yu at Balanza, bumida
- A. Servinio
- Nov 20, 2019
- 2 min read

Sa kanyang huling laro sa kolehiyo, ibinuhos ni Jerrick Balanza ang lahat ng kanyang lakas, husay at emosyon upang ihatid sa Colegio de San Juan de Letran ang kampeonato sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) kontra sa San Beda University, 81-79 sa puno at maingay na Mall Asia Arena Martes kahapon. Ito ang ika-18 korona ng paaralan at una buhat ng tinalo nila ang San Beda noong 2015 at una para kay Coach Bonnie Tan.
Kahit kontrolado ng Letran ang laro sa huling quarter, sumubok pang humabol ng Red Lions at hindi nila basta isunuko ang kanilang korona. Nagpaulan ng pinagsamang tatlong tres sina Clint Doliguez at Evan Nelle at naging dalawa na lang ang agwat at 12 segundo sa orasan, 79-81.
Tinapon ng Knights ang bola para bigyan ng pagkakataon ang San Beda – limang segundo para mabaligtad ang resulta. Subalit nanaig si Balanza sa depensa at pinigil ang huling opensa ng Red Lions upang tuldukan ang kanyang makulay na limang taon sa NCAA.
Tiniyak ni Balanza na mag-iiwan siya ng magandang alaala sa kanyang 27 puntos, pitong rebounds at tatlong assists. Sinundan siya ni Edson Batiller, isa pang graduating na manlalaro, na may 19 puntos, limang rebounds at 3 assists.
Dahil sa kanyang husay sa buong serye, hinirang si Fran Yu na Most Valuable Player of the Finals at si Coach Tan bilang Coach of the Year. Kahit mawawala sa susunod na taon sina Balanza at Batiller, kampante sila na nasa mabuting kamay ang Letran kay Yu na may dalawang taon pang maglalaro.
Nagpaalam si Donald Tankoua na may 22 puntos at 7 rebounds – hindi na makakalaro ang mga banyaga gaya niya ayon sa mga bagong patakaran ng liga sa 2020. Tinulungan siya ni season MVP Calvin Oftana na may 18 puntos at 8 rebounds.
Ayon kay Coach Tan, malaki ang naitulong ng kanilang mga playoff game laban sa San Sebastian College at Lyceum of the Philippines University.
Kahit natalo sila sa Game 2 noong Biyernes, 76-79, nagtiwala ang Knights sa isa’t-isa at nanatiling positibo na maging masaya ang pagtatapos ng kanilang kuwento.





Comments