top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Gusto ng malinis na paligid, dugyot at pasaway naman ang maraming Pinoy

  • Ryan B. Sison
  • Nov 20, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Hindi na makita ang mga halaman sa sidewalk na natabunan ng mga filter ng sigarilyo at baso ng kape.

Ito ang nakita namin sa viral post ng concerned netizen na nakakita ng sandamakmak na basura sa isang sidewalk sa EDSA. Aniya, call center agents ang madalas na tumatambay doon para magyosi at magkape.

At pagkatapos ng ‘yosi break’, iiwanan lang ang filter ng sigarilyo at baso ng kape sa sidewalk.

Kung gusto ninyong magyosi o magkape kapag break time ninyo, walang problema, pero sana, matuto kayong magligpit ng sarili ninyong kalat.

At hindi porke may mga naglilinis ng kalat ay magiging abusado na kayo.

Samantala, isa rin ito sa mga dahilan kung bakit tama lang na ipatupad ang dagdag na excise tax sa sigarilyo at alak. Kung mababawasan ang maninigarilyo, mababawasan din ang mga abusado.

‘Yung tipong buga lang nang buga ng usok at walang pakialam sa mga tao sa paligid, gayundin ang mga naninigarilyo na kung saan-saan lang nagtatapon ng upos at filter.

Ang hirap sa ating mga Pinoy, gusto natin ng malinis na kapaligiran, pero pagdating sa disiplina at pagkukusang maglinis, dedma na.

Nakadidismaya lang dahil todo-reklamo tayo na marumi ang paligid, pero tayo rin naman ang dahilan kung bakit hindi ito tuluyang nalilinis. Hays!

Kung tutuusin, napakasimpleng gawin ng pagtatapon ng basura sa tamang tapunan, pero dahil may mga naglilinis, bahala na kung saan gustong iwanan ang kalat. Tsk!

‘Yung iba naman, mangangatwiran pa na isang yosi o baso ng kape lang naman ang iniwan nila kaya hindi ‘yun big deal.

At kung hindi napatay nang tama ang baga sa sigarilyo at nadikit sa ibang basura ay maaari pa itong maging sanhi ng sunog.

Hindi lang ang mga pasaway na call center agent ang nais nating palalahanan kundi pati ang lahat, naninigarilyo man o hindi.

Huwag nating hintayin ang mga taong naglilinis na gawin ang kanilang trabaho kung kaya naman natin itong gawin. Ang simpleng tamang pagtatapon ng basura ay malaking tulong para sa paligid at mga taong naglilinis.

Nakalulungkot mang sabihin, pero baka totoo ang sinasabi ng ilan na wala nang pag-asa na tuluyang malinis ang ating kapaligiran kung gagawin natin itong basurahan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page