top of page
Pokwang.jpg

Bagsak-presyong bigas, mas malala ang epekto kesa sa 'Yolanda'

Korina Sanchez
Nov 20, 2019
2 min read

Matapos tanggapin ni Vice-President Leni Robredo ang posisyon bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), puwede na raw siyang dumalo sa mga cabinet meetings, pero partikular lamang kung tungkol sa ilegal na droga ang pag-uusapan.

Paglilinaw ng Palasyo, hindi raw siya puwedeng dumalo sa ibang pagpupulong dahil hindi naman daw siya itinalaga bilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, sinigurado ni VP Leni na hindi siya maglalabas ng mga sensitibo at importanteng impormasyon ng gobyerno sa ibang bansa.

Kaugnay ito ng pahayag ng Palasyo na puwedeng tanggalin ni Pangulong Duterte si VP Leni bilang co-chairman ng ICAD sakaling ibunyag nito ang mga mahahalagang usapin ng gobyerno na maglalagay sa alanganin sa seguridad ng bayan.

Gayundin, ipinalilinaw ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa Palasyo kung ano talaga ang layunin ni VP Leni bilang co-chairman ng ICAD, para umano hindi magkakaiba ang inilalabas na pahayag o madali itong maunawan ng mamamayan tulad ng pahayag ni PNP OIC Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa na hindi kailangang ibigay kay VP Leni ang listahan ng mga bigtime drug lords o ang kontrobersiyal na narcolist.

Ang nakapagtataka, kung isinapubliko ni Pangulong Duterte ang tungkol sa narcolist, anong masama kung ibibigay ang nasabing listahan sa co-chairman ng ICAD?

◘◘◘

Sampung beses na mas masama ang epekto ng Rice Tarrification Law kumpara sa epekto ng Bagyong Yolanda sa kabuhayan ng mga kababayan nating magsasaka. Ito ang pahayag ng alyansa ng mga organisasyong magsasaka.

Dahil sa pagpasok ng tone-toneladang imported na bigas, lumawak ang kumpetisyon sa merkado kung saan nagdulot ito ng pagbagsak sa presyo ng palay ng mga kababayan nating magsasaka. Matatandaang, pinayagan ang pag-import ng bigas dahil iniiwasan umano ang posibilidad ng krisis.

Gayunman, nangako si Pangulong Duterte na tutulungan niya ang mga pobreng magsasaka, pero hindi niya babawiin ang nasabing batas, pero hindi natin tukoy kung ano’ng tulong ang sinasabi nito.

Dahil sa sobrang bagsak-presyo ng palay, malaki ang posibilidad na mahihirapang kumita ang mga kababayan nating magsasaka kung saan hindi malayong hindi na nila mababayaran ang kanilang mga pinagkakautangan ng kanilang puhunan.

At kung hindi sila makapagbayad, baka wala silang mautangan para may maitanim sa darating na panahon.

Alam nating lahat kung gaano kahirap ang buhay ng mga kababayan nating magsasaka, lalo na kung ganyan ang nangyayari. Wala silang laban sa mga nagaganap sa merkado at ang nakalulungkot, imbes na umunlad ang kanilang kabuhayan ay lalo pa silang mabaon sa kahirapan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page