8 ginto, kayang hakutin sa SEAG skateboarding
- Gerard Arce
- Nov 20, 2019
- 2 min read

Katiting na lamang na butingting ang kailangang asikasuhin para tuluyang maging 100 porsiyento ang competition venue ng Skateboarding sa Tagaytay, Cavite para magamit sa 30th Southeast Asian Games ngayong taon.
Nagawa nang simulan ng national team members ang venue noon pang isang linggo ayon kay Skateboarding and Roller Sport Association of the Philippines (SRSAPI) president Monty Mendigoria.
Tutok na sa ensayo ang pambansang koponan sa street and park courses lalo pa’t nakatakda itong subukan nina 2018 Asian Games gold medalist Margielyn Didal at Jericho “Kiko” Francisco sa pagdating sa bansa mula sa partisipasyon sa OI Skate Total Ubre (STU) Open 2019 sa Rio de Janeiro, Brazil nitong nakalipas na weekend.
Bigong makatuntong sa finals ang Cebuana skater ng tumapos lang ito sa 10th place na may 9.88 points sa women’s street semifinals, habang lumapag sa 21st spot si Francisco na may 6.90 points sa men’s Park semifinals. Laglag din si Daniel Ledermann na may 11.15 puntos sa men’s street events.
Darating na rin sa bansa si Filipino-American Cristiana Means upang samahan ang pambansang koponan para sa huling preparasyon sa biennial games na magbubukas simula Nob. 30-Dis. 11 sa iba’t ibang panig ng Luzon.
Handa na ring magpasikat si Jefrey Gonzales sa mga Pinoy skaters na masasaksihan sa unang pagkakataon sa SEAG at sa Tokyo Olympics sa 2020.
Maigi ring nagsasanay ang dalawang pambato ng bansa na sina Jaime Delange at Abigail Veloria para sa downhill skateboarding event sa isang batikang world champion.
Optimistiko si Mendigoria na kaya nilang hakutin ang 8 gintong medalyang nakalaan sa lahat ng event sa SEAG na gaganapin simula Dis. 3-8 para sa Park, Street, Game of Skate at Downhill competitions dahil na rin sa malaking tulong na inilalaan ng Philippine Sports Commission (PSC).
Kakaharapin ng mga Pinoy at Pinay Skateboarders ang mga manlalaro mula sa Indonesia, Thailand, Myanmar, Malaysia, Singapore at Vietnam.





Comments