Online sellers, akala naka-jackpot na, naging bato pa dahil sa cancelled orders

Iba’t iba ang naging karanasan ng mga online shopper at seller matapos ang malakihang sale shopping websites, kamakailan.
Maraming natuwa dahil tila naka-jackpot sila, pero marami ring nadismaya. Kung maraming nagreklamo at naniniwalang na-scam sila, online shops naman ngayon ang dumaraing dahil tila sila ang na-scam.
‘Yung tipong akala ng mga seller ay nakahakot sila ng benta, pero ang ending pala ay sila ang nalugi dahil sa mga pasaway na buyer.
Matapos kumalat sa socmed ang mga reklamo ng ilang online shoppers, sumunod naman ang picture ng isang rider na problemado sa kanyang mga delivery.
Ayon sa netizen na nag-post, nakita niya na isa-isang pinipiktyuran ng rider ang bawat item at nang kinausap niya ito, malungkot umanong sumagot ang rider na cancelled order ang mga ‘yun mula sa malawakang sale sa shopping website.
Nang makita namin ang viral na litrato, maraming items ang hindi kinuha at nakasako pa ang mga ito. Tsk!
Nakadidismaya lang dahil hanggang ngayon ay marami pa rin tayong pasaway na kababayan na tila walang konsiderasyon sa ibang taong naghahanapbuhay hangga’t hindi sila apektado.
Kung nagbago ang isip ninyo sa produkto, walang problema kung ika-cancel ang inyong order dahil karapatan ninyo ‘yun, pero sana ay gawin ito habang hindi pa napoproseso ang order.
Malaking prebilehiyo ang online shopping dahil konting scroll at pindot lang, mabibili mo na ang mga gusto mong bilhin at bonus pa na puwede itong i-deliver sa inyong bahay.
Lalo pang pabor na wala silang kailangang bayaran bago dumating ang order dahil COD (cash on delivery), pero bigyan ng konsiderasyon ang mga taong naghihirap para mabigyan kayo ng magandang serbisyo.
Hindi biro ang trabaho ng mga seller dahil hindi lang sila basta tumatanggap ng mga order, kailangan din nilang siguraduhing tama at maayos ang matatanggap n’yo.
Gayundin, sa mga nagde-deliver, alam nating napakadelikadong magtrabaho sa kalsada pero dedma na sila, maihatid lang ang mga order na inaasahan ninyo.
Panawagan sa mga online shopper, kapag umorder at malapit nang i-deliver, huwag na sana kayong mag-cancel.
At kung ginagawa n’yo lang ito para makisabay sa malawakang sale, mahiya naman kayo. Maraming naghahanapbuhay na naaabala dahil sa mga tulad ninyo.
Kung ginagawa ng mga seller at delivery staff ang kanilang makakaya para mabigyan kayo ng tamang serbisyo, huwag nating kalimutan ang tungkulin natin bilang mamimili— maging responsable at huwag maging perhuwisyo kung ayaw nating maperhuwisyo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments