Lady Scorpions, 9-years nang kampeon sa WNCAA
- A. Servinio
- Nov 19, 2019
- 1 min read

Photo: Cathleen Arandia
Siyam na taon na ang pag-reyna ng Centro Escolar University matapos nilang kunin ang kampeonato sa 50th Women’s National Collegiate Athletic Association (WNCAA) Seniors Basketball.
Winalis ng Lady Scorpions ang dalawa nilang laro kontra sa San Beda College-Alabang noong Sabado at Linggo at wakasan ang taon na walang bahid ng pagkatalo sa walong laban.
Ginamit ni Mercy Lawan ang kanyang tangkad, bilis at lakas upang gumawa ng 13 puntos sa Game 2 noong Linggo sa University of Makati, 79-36.
Tinulungan siya nina Rosemarie Gayo at Jenina Solis na parehong may 11 puntos at makamit ang ikalawang titulo sa ilalim ng gabay ni Coach Michael Buendia.
Tamang-tama ang ipinamalas ng CEU matapos magpasabog ng 25 puntos si Lawan noong Game 1 sa Saint Stephen’s High School Gym sa Maynila noong Sabado, 79-36.
Nag-ambag ng 16 si Solis habang 14 ang galing kay Gayo at Kathlene Sumarago.
Binura ng Lady Scorpions ang Philippine Women’s University sa knockout semifinals noong Okt. 27 sa Philippine Buddhacare Academy, 87-36.
Ginulat ng 3rd seed Red Lionesses ang second seed UMak Lady Herons, 74-71.
Walang makapigil sa paghataw ng CEU sa elimination round, simula sa 69-27 na pagwagi sa UMak noong Set. 21 sa MOA Arena at paggunita ng gintong taon ng liga.





Comments