top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Do-or-die: SBU at LC, sakmalan na ng korona

  • A. Servinio
  • Nov 19, 2019
  • 2 min read

Ngayong hapon na malalaman kung sino ang maghahari sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) Seniors Basketball sa pagitan ng defending champion San Beda University at ang naghahamon na Colegio de San Juan de Letran.

Naghati ng panalo ang dalawang matinding karibal sa unang dalawang laro ng serye at tiyak aapaw ang mga manonood sa Mall of Asia Arena simula 4:00 p.m.

Kalilimutan na ng Letran ang lahat na sinayang na pagkakataon sa Game 2 noong nakaraang Huwebes kung saan nanalo ang San Beda, 79-74.

Halos maagaw na ng mga Knights ang korona sa Red Lions kung hindi lang nawala sa huling mga minuto ng laro si Fran Yu dahil sa matinding pulikat at may malaking mintis si Edson Batiller sa huling segundo.

Ipinakita ni Calvin Oftana na hindi totoo ang sinasabing malas na kasama sa pagtanggap ng isang karangalan at isinalba niya ang San Beda sa pamamagitan ng kanyang three-point play upang maagaw ang lamang na may 19 segundo sa orasan.

Bago ang laro, hinirang si Oftana bilang Most Valuable Player ng taon at tiyak na siya muli ang aasahan na bumuhat sa Red Lions kasama ng mga kapwa Mythical Five na sina James Canlas Kwekuteye at Evan Nelle at Best Foreign Player Donald Tankoua.

Walang nakuhang award ang Letran subalit mas mahalaga sa kanila ang kampeonato. Maliban sa mga matinik na guwardiyang sina Yu at Batiller, malaki ang aasahan kay kapitan Jerrick Balanza, Larry Muyang at Jeo Ambohot.

Ito na ang ika-5 beses na nagtuos ang Red Lions at Knights para sa kampeonato buhat ng taong 2007. Nagtagumpay ang San Beda sa unang tatlo noong 2007, 2012 at 2013 pero Letran ang kampeon sa huli nilang pagkikita noong 2015.

Samantala, hahanapin ng San Beda-Rizal Red Cubs ang isa pang kampeonato kontra sa Lyceum University-Cavite Junior Pirates sa 1:00 p.m. Nanalo ang Red Cubs sa unang laro, 94-80, subalit bumawi ang Junior Pirates sa kanilang muling pagkikita, 79-74.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page