Bulanadi, petmalu sa Basilan vs. N. Ecija; Manila Stars, bida
- MC
- Nov 19, 2019
- 1 min read

Photo: Maharlika Pilipinas Basketball League
Para sa Basilan Steel, nagbunga rin ang paghihintay ni Allyn Bulanadi.
Nakapagpakawala si Bulanadi ng 22 points sa Maharlika Pilipinas Basketball League debut noong Sabado nang pigain ng Steel ang Nueva Ecija Vanguards 93-81 sa larong idinaos sa napunong Lamitan City Gymnasium.
Ang 6-foot-2 na si Bulanadi, kaliweteng shooter ay pinalagda ng Steel bago ang Lakan Season nang maglaro sa San Sebastian sa National Collegiate Athletic Association kung saan pinalakas niya ang Stags sa Final Four at hinirang na best player at agad na naging paborito ng Basileños bilang bago nilang icon.
Ipinoste ng Steel ang ika-4 na diretsong panalo at umakyat sa 13-8 ang kartada sa South division ng 31-team field.
Ang iba pang major contributors para sa Jumbo Plastics- Steel ay sina Jay Collado na may 17 points at 11 rebounds, Gab Dagangon, 14 points at Chris Dumapig na may 11. Ang Nueva Ecija, na lagpak sa 5-15, ay may 14 points mula kay Jimbo Aquino, 12 mula kina Jai Reyes at Arvin Tolentino at 10 kay John Paul Sarao.
Samantala sa iba pang laro, tinalo ng Manila Stars ang Imus Bandera, 85-58 sa opener at umibayo ang kartada sa o 17-3 ng North division.
Sa una niyang laro sa Stars, may nagawang 11 puntos si Mark Tallo dating Bacolod Master Sardines kabilang na ang 5 sa 4th quarter katulong sina Aris Dionisio at Mark Dyle upang umalagwa pa ang kalamangan.
Apat pa sa Stars ang naglista ng double digits tulad nina Carlo Lastimosa, 14, Gabby Espinas 11, Dionisio 11 at Ronnie Matias 10.





Comments