4th Championship, pipigain ni Judoka Watanabe sa SEAG
- Gerard Arce
- Nov 19, 2019
- 1 min read

Puspusan ang paghahanda at pag-eensayo ni 2018 Asian Games silver medalist Kiyomi Watanabe upang maipagtanggol ang kanyang titulo at targetin ang ika-apat na sunod na kampeonato sa paparating na bakbakan sa 30th Southeast Asian Games na magbubukas simula Nob. 30-Dis 11 sa iba’t ibang panig ng Luzon ngayong taon.
Kasalukuyang nag-eensayo nang todo ang 23-anyos na Filipino-Japanese judoka sa Japan upang mapanatili ang korona sa under 63kgs half-middleweight category na kanyang pinamumunuan ng tatlong sunod na SEAG competition.
Nakatakdang sumabak ang Cebu City-native sa darating na Osaka Grand Slam 2019 sa Osaka, Japan para mapatibay ang ranking sa 2020 Tokyo Olympics na kasalukuyang mayroong Continental Quota at World ranking na 27th place, ayon sa International Judo Federation website.
Hindi lalaro rito si World number 1 Clarise Agbegnenou ng France. “Lalaro muna si Kiyomi sa Osaka for her to maintain the necessary qualifying points sa 2020 Olympics, pero priority natin ang SEA Games and this is part of her preparation.
Nandito na rin naman kami sa Japan eh, sayang ang points,” pahayag ng kanyang ina na si April Irene Watanabe sa panayam ng BULGAR sa telepono.
Susubukang idepensang muli ng Waseda University graduate ang kanyang titulo laban sa beteranong si Orapin Senatham ng Thailand na kanyang tinalo ng 2-sunod na beses sa championship round sa biennial meet.





Comments