2 kontratista sa P400 milyong kalsada sa norte na 2 beses nang nabitak, habulin!
- Pasaway Spotted
- Nov 19, 2019
- 2 min read

Jeff Tumbado / Pasaway Spotted
Heto na mga ka-BULGAR, ang ikalawa at huling yugto ng ating exposé kaugnay ng P400 milyong maanomalyang road project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Ikalawang Distrito sa isang lalawigan sa Norte na sinasabing nailusot sa pagitan ng mga binti ni ‘Madame Congresswoman’.
Ang ikinayamot ni ‘Madame Congresswoman’, ang malaking bahagi ng ipinagawang kalsada na nag-uugnay sa dalawang lalawigan sa Norte ay nabitak na parang minaso ni “Thor” sa pelikulang “The Avengers; End Game” at ngayon ay nakatiwangwang lamang at hindi na napakikinabangan ng mga motorista sa lugar.
Ang kontrobersiyang ito, bagama’t nasagot na sa atin ng bagong luklok na regional director sa DPWH sa Norte ay may maiiwang mga katanungan mula kay Mang Kanor, na may alagang haliparot na bubuyog.
Taong 2017 nang isakatuparan ang naturang national road project sa lalawigan sa pamamagitan ng dalawang kumpanya na kinontrata ng DPWH sa nasabing rehiyon.
Nalimutan ni RD (regional director) ‘yung isang kumpanya pero tanda nito ang pangalan ng isa pang kontratista na sinasabing lokal na sub-contractor nito.
Una nang naipaliwanag ni RD na kanya na itong pinaiimbestigahan kung bakit bigla itong nabitak. Hindi lang isa kundi dalawang beses pang nasira ang nabanggit na kalsada!
At ano'ng dahilan ng pagkakabitak-bitak ng kalsada? 'Yan ang sarkastikong tanong ni Mang Kanor kay RD.
‘Yung ilalim daw ng lupa kapag naiipunan ng tubig kapag tagbaha dulot ng pag-uulan ay gumagalaw, pumapasok ang tubig-ulan na siyang dahilan kung bakit unti-unting nabibitak ang bahagi ng kalsada.
Para sa kaalaman ng ating mga suki, ang naturang road project ng DPWH na nabitak nang dalawang beses dahil sa pag-ulan ay malapit lamang sa paanan ng Pinatubo.
So, ibig sabihin, talagang malambot ang lupa sa ilalim ng pinagtirikan ng kalsada.
At ibig sabihin na may kasamang kanton, kapag palagi itong mabibitak ay palagi rin itong ipaaayos ng DPWH sa kanilang mga kontratista sa panahon ng tag-ulan. Kumbaga, lifetime warranty ang peg!
Labis ding ipinagtataka ni RD ang pagkuwestiyon ni ‘Madame Congresswoman’ sa naturang proyekto dahil dumaan daw ito sa public bidding, pero hindi dumaan sa tanggapan ng kongresista. "Anyare, kumare?" tanong ng haliparot na bubuyog na alaga ni Mang kanor.
Gayunman, kinakailangan talagang habulin ang dalawang kontratista para ayusing muli ang kalsada sa lalong madaling panahon dahil bukod sa pondo ng gobyerno mula sa pinagtipun-tipong buwis na ibinabayad ng pobreng si “Juan” na ipinanggastos sa naturang proyekto ay talagang dapat maibalik sa publiko ang kalsada nang maayos.
May isusumbong ka bang pasaway na opisyal sa gobyerno? Ibulong mo nga sakin. I-txt o itawag lamang sa numerong 09982606938 o mag email sa pasawayspotted@ gmail. com
Para sa sumbong, i-text o itawag lamang ito sa 09171361211/09982606938 o mag-email sa jefftombado.bulgar@gmail.com





Comments