Peter Pride, nanalong dehado

Maganda ang simula ng karera noong Sabado ng hapon makaraang manalo ng dehado ang Peter Pride sa Race 1 na nagbigay ng halagang P311,489.00 sa Winner-Take-All sa 24th MARHO Breeders’ Championships makaraang pakainin ng alikabok ang mga katunggali sa Santa Ana Park, Naic, Cavite.
Nagdiwang ang mga dehadista sa pagkakapanalo ng Peter Pride at pumangalawa ang Viva Forever at pumangatlo ang Great Style.
Sa Race 2, isang malakas na paremate ang ibinigay ni Weekend Bash nang talunin ang nauunang Gee’s Delight sa tagpong naganap sa MARHO-Monterey trophy race na nagbigay ng dibidendo sa 1st Pick 5 ng P 9,075.20. Sa Race 3, nagwagi rin ang Sail With Gee sa Diamond Hotel Trophy race, na nagbigay ng dividendo sa Pick 6 ng P19,779.60.
Nagwagi ang liyamadong Run Em Down sa Race 4 at naghatag ng ± 200,068.60 sa 2nd WTA sa tagpo na naganap sa Purefoods ‘Ulam King’ Trophy Race.
Sa 2nd Pick 6 sa Race 5, nagwagi ang Warrior Heart sa Magnolia ‘Ang Pambansang Manok’ Trophy race at nagbigay ng dibidendo ± 160,685.40. Nagwagi ang Grey Area laban kay Caraga Storm na sa isang dikdikan labanan sa Marho Barangay Ginebra trophy.
Sa Race 7, nanalong banderang tapos ang Gintong Tubig laban kay Harapin Ang Bukas at dumating na tersera ang Doktora.
Pinagwagian ng Sky Hook ang Marho-Bank of Commerce Trophy race nang biguin ang liyamadong Shadow of the Sun sa Race 8 at sa Race 9 nanalo ang
Windy Star ng Marho-SLEX/TPEX/NAIAX and Skyway Trophy Race. Sa Race 10, nanalo sa Marho-B-Meg Feeds Trophy Race ang All Heart at pumangalawa ang Dalagang Bukid.





Comments