Antuking pulis... hoy, gisiiiing!

Hindi na bago ang mga balita tungkol sa mga pulis na pabaya sa trabaho dahil kung hindi naglalaro ng mobile games, minsan ay natutulog habang naka-duty.
Maituturing umano itong “neglect of duty” sa panig ng mga pulis na dapat ay nakaalerto upang masiguro ang seguridad ng mamamayan.
Alinsunod sa 2007 Philippine National Police (PNP) Disciplinary Rules of Procedure, pasok sa neglect of duty ang pagtulog sa kalagitnaan ng trabaho.
Kung masama ang pakiramdam ng pulis o may iniindang sakit, maaaring mag-file ng leave upang makapagpahinga nang maayos at hindi kailangang matulog sa trabaho.
Samantala, para sa mga pulis na mahuhuling natutulog sa unang pagkakataon, babala o suspensiyon ang makukuha ng mga ito. Pero kapag naulit ito, posibleng ma-dismiss na sa puwesto.
Para sa taumbayan, pabor ito dahil kung matutulog lang sa duty ang mga pulis, ano ang silbi nito? Pinasusuweldo ba sila ng taumbayan para lang matulog sa duty at ietsapuwera ang responsibilidad na protektahan ang mamamayan? Nasaan na ang kanilang motto na “to serve and protect?”
Marami namang nagtatanggol sa mga pulis dahil anila, tao lang din sila na napapagod at kailangang magpahinga. Hirit pa ng iba, bakit kapag pulis ang nakatulog sa trabaho, kailangang managot, pero kapag ang mga senador na nakakatulog sa session, walang parusa?
Gayunman, bagama’t, hindi natin maitatangging kailangan nating matulog o magpahinga, pero dapat ba itong gawin sa oras ng trabaho?
Hindi natin masasabi kung kailan aatake ang mga kriminal kaya dapat nakaalerto ang mga pulis sa oras ng duty at hindi tutulug-tulog.
Pero, bakit sa kabila ng mga paghihigpit at paglilinis sa hanay ng kapulisan, hindi pa rin nauubos ang mga antuking pulis? Nakalulusot lang ba sila o tutulug-tulog din ang mga nakatataas sa kanila? Nagtatanong lang po!
Nahuhuli man o hindi, hindi ito dapat gawin dahil kung tutuusin, kapag may nangyaring masama sa mga nasa paligid at nabigo ang kapulisan na rumesponde, malinaw na may kapabayaan sa inyong panig.
Huwag nating hintayin na may mapahamak dahil sa kapabayaan kaya panawagan sa kapulisan, gising-gising din kapag naka-duty!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments