Oftana, MVP, SBU, itinabla ang Letran, may game 3 pa

Photo: Abs-cbn News
Inilabas ng San Beda University ang tunay na karakter at kakaibang lakas upang pigilin ang Colegio de San Juan, 79-76 at itabla ang seryeng best-of-3 para sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) Seniors Basketball sa napunong MOA Arena kagabi. Ipinakita ni Calvin Oftana na karapat-dapat na siya ang Most Valuable Player ng liga sa pagsalba sa Red Lions sa huling segundo ng mahigpitang laban.
Naagaw ng Red Lions ang bola na binato kay Oftana para sa 3-point play at ibalik ang lamang sa kanilang panig na may 19 segundong nalalabi, 77-76. May pagkakataon ang Knights pero natawagan sila ng shot clock violation kaya napilitan si Edson Batiller na bigyan ng foul si James Canlas Kwekuteye para sa dalawang free throw na tumakda sa huling talaan.
Matapos ang masaklap na pagkabigo noong Martes, 64-65, bumira agad ang San Beda at lumamang agad, 15-0. Subalit hindi basta sumuko ang Knights at nagtrabaho upang makuha ang unang lamang salamat sa 3-point play ni Larry Muyang, 44-41 at nag-iba ang timpla ng laro.
Uminit ng todo si Fran Yu at nagpaulan ng tatlong tres at umakyat sa 7 ang lamang ng Letran sa 4th period, 66-59. Sa kasamaang palad, hindi natapos ni Yu ang laban dahil sa pulikat at lalong humigpit ang laban hanggang sa huling segundo. Nanguna sa San Beda si Canlas na may 21 puntos, 7 rebounds at 6 assists. Double-double ang hatid ni Oftana na 17 puntos at 11 rebounds habang 17 ang puntos ni Doliguez. Bago ang laro pinarangalan si Oftana bilang MVP at kasama niya sa Mythical 5 ang mga kakamping sina Canlas at Evan Nelle, Allyn Bulanadi ng SSC Stags at Jaycee Marcelino ng Lyceum. Si Justin Arana ang Defensive Player of the Year at Rookie of the Year, sina Oftana, Benedict Adamos ng UPHSD, JM Calma ng SSC at John Paul Maguliano ng EAC ang Defensive Team, Donald Tankoua ng SBU bilang Best Foreign Student, Mike Harry Nzeusseu ng Lyceum na Best Foreign Student Defensive Player at EAC para sa Sportsmanship Award.





Comments