Bakasyon na ang kampanya: Fuels, pinagulong ang Elite

Isinalpak ni Matthew Wright ang panelyong 3 bago naubos ang oras upang itakas ng Phoenix FuelMasters ang 120-117 overtime win laban sa Blackwater Elite sa PBA Governor’s Cup kagabi sa Araneta Coliseum. Tatlong segundo na lang sa orasan, kung saan tabla ang iskor sa 117-all, pagkatanggap ni Wright ng bola ay agad itong umere sa bandang gilid para isalpak ang importanteng puntos.
Nagtala si Wright ng 28 points at 6 rebounds para ilista ang 3-8 karta para sa FuelMasters nang magtapos na ang kanilang kampanya ngayong season. Kahit wala nang pag-asa ipinakita ng dalawang koponan ang tikas kaya nagkaroon ng extra period. Kumayod si import Marqus Blakely ng 37 points, 17 rebounds at 6 assists subalit hindi sapat upang itaguyod sa panalo ang Elite na nalasap ang pang-9 na talo sa 11 laro. Dikdikan ang banatan sa unang dalawang period, isang puntos lang ang lamang ng Elite, 46-45 sa halftime. Kumalawa ang Elite sa third, lumobo ang kanilang bentahe sa walo, 81-73 papasok ng 4th quarter. Pero nahabol ang Elite sa payoff period upang magka-OT. Naging matatag ang Phoenix sa endgame para sikwatin ang matamis na panalo.
Samantala, parehong nasa kukote ng Magnolia Hotshots at TNT KaTropa, ang bumangon mula sa pagkakadapa sa huling laro. Nakatakdang magharap ang Hotshots at KaTropa ngayong 5 p.m. sa University of Southeastern Philippines Gym. Galing sa dalawang sunod na talo ang TNT, hawak ang 7-2 record kaya pasok na rin sila sa playoffs. Pero kailangan pa ring manalo ng KaTropa upang mapaganda ang karta, nasa tersero puwesto sila ng team standings.





Comments