top of page
Pokwang.jpg

Kababuyan ng mga tindero kaya nawalan ng trabaho, ‘wag isisi sa gobyerno

Ryan B. Sison
Nov 14, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Hindi maitago ang pagkadismaya ni Manila Mayor Isko Moreno nang makita ang tambak na basura mula sa ilang nagtitinda sa Divisoria.

Dahil dito, hindi na niya papayagan ang mga vendor na makapagtinda sa lugar. Aniya, sinasayang ng mga ito ang tsansa na makapaghanapbuhay. Binigyan na nga naman ng second chance, pero tila walang kadala-dala ang mga ito.

Hati ang reaksiyon ng taumbayan, lalo na ng mga netizen. Maraming nagalit sa mga pasaway na tindero at pumabor sa alkalde, pero may ilan namang bumatikos.

Ayon sa isang netizen, responsibilidad ng pamahalaan na gumawa ng sistema sa pagtatapon ng basura at pagbibigay ng tamang puwesto sa mga nagnenegosyo kaya hindi dapat ipahiya at basta palayasin ang mga ito.

Giit pa ng netizen, wala namang choice ang mga tao kundi pagtiisan ang ‘bulok’ na lipunang binuo ng pamahalaan.

Gayundin, napakadali umanong matahin ng mga nakatataas ang tao at sabihin na kulang sila sa disiplina, pero bakit hindi umano pagtuunan ng pamahalaan ang kanilang kakulangan?

Hirit naman ng ibang netizens, maraming mahihirap na hindi naman dugyot. Kumbaga, hindi hadlang ang kahirapan para mapanatiling malinis ang paligid na ginagalawan. Pero, bakit kailangang ibato sa pamahalaan ang kapabayaan ng taumbayan?

Kung hindi sila tuturuan ng leksiyon ngayon, habambuhay na lang ba silang aasa sa gobyerno at hindi na kikilos?

Tipong kapag nawalan ng hanapbuhay dahil sa kawalan ng disiplina, sisi sa gobyerno kasi tinanggalan ng puwesto. Tsk!

Naiintindihan nating may pagkukulang din ang pamahalaan sa ibang bagay, pero ang paglilinis ng lugar kung saan ka namamalagi o naghahanapbuhay ay personal na responsibilidad at hindi dapat isisi sa iba kung hindi ito mapananatiling malinis.

Sa totoo lang, obligasyon ng pamahalaan na panatilihing malinis ang kanilang nasasakupan at ang pagpapaalis sa mga pasaway at dugyot na vendor ay hindi lang hakbang kundi pagtuturo na rin ng leksiyon.

‘Yung pagbibigay ng ikalawang tsansa para makapaghanapbuhay ulit, malaking bagay na, pero ang pagiging pabaya ay hindi na nila problema. Para sa mga netizen na nadismaya sa naging desisyon ng alkalde, malaya kayong magpahayag ng inyong saloobin, pero subukan n’yo ring intindihin ang sitwasyon.

At panawagan sa lahat, kung nagsisikap ang pamahalaan na matulungan ang mamamayan at maayos ang nasasakupan, huwag tayong magreklamo.

Sa halip, magpokus tayo sa magiging resulta nito dahil lahat ng ginagawa nila ngayon ay mapakikinabangan natin pagdating ng panahon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page