top of page

Cyst sa tainga, hindi lang mabaho, nakamamatay pa

  • Shane M. Ludovice, M.D
  • Nov 14, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, May lumalabas na likido sa aking tainga, meron itong hindi magandang amoy, hindi naman luga, pero dahil dito ay medyo nabibingi ang aking kaliwang tainga. Nagpatingin ako sa ENT, ang sabi sa akin ay may cyst daw sa aking tainga, cholesteatoma ang tawag at pinayuhan akong ipagamot ito. Pero dahil natakot ako ay hindi na ako nakapagtanong sa kanya. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa kondisyong ito? — Regine

Sagot Ang cholesteatoma ay isang uri ng skin cyst sa gitnang bahagi ng tainga. Ito ay delikado dahil maaaring ikamatay ng pasyente ang sakit na ito.

Gayunman, maaaring magamot ang kondisyong ito na maaari lamang matukoy ng mediko. Maaari itong lumaki na makasasagabal sa normal na paggana ng utak, partikular kapag kumalat ang impeksiyon at hindi naagapan.

Ano ang sanhi ng cholesteatoma?

  • Depektibong congenital. Maaari itong matukoy sa pagkabata mula anim na buwan hanggang limang taong gulang. Hindi ito nakikitaan ng anumang sintomas sa simula, pero sa katagalan ay mapapansin ang pagbabago o paghina ng pandinig at kapag may likidong lumalabas mula sa bukana ng tainga.

  • Karaniwang kumplikasyon ng chronic ear infection. Ito ay dahil sa hindi maayos na paggana ng eustachian tube, nagkakaroon ng negatibong presyon sa gitna ng tainga. Nahihila nito ang isang parte ng eardrum papasok sa middle ear at bumubuo ng maliit na bulsa o cyst na napupuno ng lumang selyula ng balat at iba pang waste material. Maaari itong maimpeksiyon at lumaki sa loob ng tainga at masira ang mga maseselang buto ng middle ear o iba pang istruktura sa loob ng tainga. Maaapektuhan nito ang pandinig, balanse at maaaring pati ang mga kalamnan ng mukha.

Ano ang mga sintomas nito?

  • Pagtubo ng pigsa sa leeg

  • Kumplikasyon sa central nervous tulad ng sigmoid sinus thrombosis, epidural abscess o meningitis

  • Pakiramdam ng presyon o bara sa loob ng tainga

  • Pagkirot o pananakit sa likod o loob ng tainga

  • Madalas na pagkahilo

  • Otorrhea o likidong lumalabas sa tainga na minsan ay may mabahong amoy

  • Pagkawala ng pandinig sa apektadong tainga.

  • Panghihina ng mga kalamnan sa mukha sa bandang bahagi ng naimpeksiyong tainga.

Paano ito mapangangalagaan?

  • Kailangang magkaroon ng sapat na pahinga ang pasyente

  • Siguraduhing regular na nagpapa-check-up sa doktor

  • Sundin ang mga payo ng doktor, iwasang ipagpaliban ang pag-inom ng gamot

  • Sumailalim sa regular na pagsusuri sa tainga

  • Huwag basta lumusong sa tubig

  • Magsuot ng angkop na proteksiyon sa tainga tulad ng mga earplug.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page