Batang Pier, nilunod ang Road Warriors

Tinuldukan ng NorthPort Batang Pier ang five-game winning streak ng NLEX Road Warriors matapos angkinin ang 102-94 panalo sa PBA Governor’s Cup kagabi sa Araneta Colisuem. Nagtala si import Michael Qualls ng 36 points para akbayan ang Batang Pier sa panalo. Malaki pa ang tsansa ng NorthPorth na sumampa sa susunod na phase, may baraha silang 4-6 sa nang kanilang ipanalo ang huling laban. Humarurot ang Road Warriors sa unang dalawang periods para hawakan ang walong puntos na bentahe, 51-43 sa halftime.
Ginanahan naman ang Batang Pier sa third period, kumarga ng 38-27 para maagaw ang unahan, 81-78 papasok ng fourth. Nagpatuloy ang NorthPort sa payoff period, hindi na nila binitawan ang unahan para makuha ang panalo.
Samantala, puntirya ng Barangay Ginebra na umakyat pa sa kinauupuan kaya nasa kukote nila na kalusin ang Columbian Dyip bukas ng alas-7 ng gabi sa Araneta Coliseum. Nakapuwesto sa No. 4 ng team standings ang Gin Kings tangan ang 6-3 karta at kahit swak na sa playoffs ay itotodo pa rin nila ang lakas sa huling dalawang laro upang makuha ang panalo at sumampa pa ng isang baytang. Tiyak na kakapitan ng crowd favorite Ginebra si import Justin Brownlee kasama sina locals LA Tenorio, Scottie Thompson at Stanley Pringle laban sa Dyip na ipinagmamalaki si super rookie CJ Perez. Pang-pito ang Columbian sa team standings tangan ang 4-6 card. Magtatapat ang Phoenix FuelMasters at Blackwater Elite sa alas-4:30 ng hapon.
Mga laro bukas: (Araneta Coliseum) 4:30 p.m. - Phoenix vs Blackwater 7:00 p.m. - Bgy. Ginebra vs Columbian.





Comments