P1,500 na dagdag-allowance sa mga guro para sa chalk, maagang pamasko

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Nanawagan tayo sa ating mga kapwa senador noong nakaraang araw para suportahan ang Senate Bill No. 1092, “An Act Institutionalizing the Grant of a Teaching Supplies Allowance for Public School Teachers”.
Gusto nating maipasa na sa lalong madaling panahon ang Senate Bill na ito dahil naniniwala tayong malaking kagaanan para sa mga guro ang karagdagang budget dahil sa kasalukuyan ay itinatawid lamang nila ito kahit mahirap.
Sa ilalim ng panukalang-batas, mahigit 800,000 teachers ang mapagkakalooban ng P5,000 bawat isa na maaari nilang gamiting pambili ng chalk at teaching supplies allowance na sobrang malayo sa P3,500 na ipinagkakaloob ng 2008 General Appropriations Act.
Alam nating isa sa mga nangangailangan ng dagdag-sahod ay ang mga guro kaya ang karagdagang P1,500 sa kanilang tinatanggap na allowance ay malaking bagay na.
Ang kagandahan pa sa batas, inaatasan nito ang Secretary of Education na magsagawa ng periodic review para makapagrekomenda ng karagdagang allowance base sa kasalukuyang presyo ng bilihin o materyales na ginagamit sa eskuwela.
Ang masaklap, dahil sa inflation at iba pang economic factors, ang chalk at iba pang teaching supplies ay patuloy ang pagtaas tuwing ikatlong taon mula noong 2008, kaya karapat-dapat lamang na itong dagdagan.
Nakakaantig ng puso ang panawagan ng mga guro na, “President Duterte, mabuti pa ang mga sundalo, binibigyan ng bala para sa kanilang baril, pero ang mga guro, hindi binibigyan ng chalk para sa kanilang blackboard.”
Ito ang panawagan ng mga guro nang minsan silang humarap sa atin sa Senado kamakailan na kung tutuusin ay napakapayak ngunit kung pagtutuunan ng pansin ay hindi sila humihiling nang labis sa kanilang pangangailangan.
Kaya natutuwa tayo dahil positibo ang ilang senador hinggil dito at maituturing itong magandang pamasko hindi lang sa mga guro kundi maging sa mga mag-aaral.
Sa ating mga tagasubaybay, baka may naiisip kayong panukalang-batas na makatutulong sa ating bansa, huwag kayong magdalawang-isip na ipadala sa ating tanggapan upang mapakinabangan ng mga kababayan natin.
Bukas ang kolum na ito para sa inyong mga suhestiyon at ideya dahil naniniwala tayong marami sa ating mga kababayan ang mahilig sa politika na may malaki namang punto ngunit, nasasayang lamang sa kuwentuhan.
Lalo na sa mga kumpulan, pilahan ng tricycle o taxi, barber shop at iba pang umpukan na punumpuno ng mga magagaling magkomento, alam nating marami kayong maiaambag sa inyong lingkod.
At sa mga guro, kapag sapat na ang pondo ninyo sa pambili ng chalk ay huwag n’yo namang ipambato sa mga estudyanteng makukulit para hindi masayang.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments