Letran Knights, una sa game 1 finals vs. SBU

Ginulat ng Colegio de San Juan de Letran ang dating walang talong defending champion San Beda University, 65-64 sa Game One ng seryeng best of three para sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa punong Mall of Asia Arena Martes ng hapon. Bumida sina Larry Muyang at Fran Yu sa huling dalawang minuto ng mainitang laban para wakasan sa 18 ang sunod-sunod na panalo ng Red Lions.
Tumanggap ng eksaktong pasa si Muyang galing kay Yu para lumayo ng bahagya ang Knights, 65-62 at 1:24 sa orasan. Sumaksak si Evan Nelle para sa dalawang puntos upang lumapit ang Red Lions, 64-65 at biglang nagkaroon sila ng malaking pagkakataon matapos matawagan ng shot clock violation ang Letran.
Subalit hindi araw ng San Beda at namintis ni Calvin Oftana ang tira na magpapalamang sana sa kanila. Nasungkit ni Yu ang defensive rebound at foul galing kay Donald Tankoua pero hindi niya napasok ang dalawang free throw kaya hindi nakatawag ng timeout ang San Beda sabay ubos ng nalalabing 2.6 segundo.
Nanguna para sa Knights si Edson Batiller na may 12 puntos at limang rebounds. Parehong gumawa ng tig-10 puntos sina Yu at kapitan Jerrick Balanza. Gumawa ng 20 puntos buhat sa apat na tres si Evan Nelle pero isang assist lang ang kanyang na-ambag. Sinundan siya nina Oftana at James Canlas Kwekuteye na parehong may 11 puntos.
Samantala sa Juniors Division, wagi ang San Beda-Rizal sa simula ng kanilang serye sa Lyceum of the Philippines University-Cavite, 94-80. Bumuhos ng 12 sunod-sunod na puntos maaga sa fourth quarter upang lumamang ang Red Cubs, 79-60, at hindi na nakabawi ang Junior Pirates.
Namuno para sa San Beda si Winston Ynot na may 16 at siya ang naatasang dumepensa kay Most Valuable Player John Ronald Barba ng Lyceum. Gumawa din ng 16 puntos at 14 rebounds si Justine Sanchez at isang panalo nalang ang kanilang kailangan para makuha ang ika-24 na kampeonato sa kasaysayan ng paaralan.





Comments