Ikinasal sa panaginip kahit walang BF, sign na hindi dapat magmadaling magkadyowa
- Socrates Magnus
- Nov 13, 2019
- 1 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Ambhie ng Ambhie_Salvhie@face-book.com
Dear Professor,
Nanaginip ako na ikakasal na ako ngayong linggo at Dion ang pangalan nang mapapangasawa ko, ga-yundin, guwapo, mahaba ang buhok at maputi siya.
Tapos, may kasama kaming kaibigan na mabait at mukhang maykaya sa buhay.
May mga kausap siya at sinabing bukas na bukas ay aayusin na ang lahat at sisimulan na ang pagluluto.
Nagtataka ako dahil kung talagang ikakasal ako, bakit wala akong ginagawa?
Para akong donya at gusto nila na sila lang ang gumagawa dahil ayaw nila akong patulungin.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko? Sana ay masagot n’yo ito.
Naghihintay,
Ambhie
Sa iyo Ambhie,
Masasalamin sa iyong panaginip na nabubuhay ka sa kalungkutan at dahil hindi puwedeng pagharian ng kalungkutan ang tao sa matagal na panahon, gumawa ng paraan ang iyong hindi nakikitang sarili sa panaginip upang sumaya ka.
Kitang-kita na ikaw ay loveless, as in, zero ang love life mo, pero nilinaw ng iyong panaginip na hindi ka dapat mawalan ng pag-asa dahil sinabi rin ng iyong panaginip na matatagpuan mo rin ang lalaking ipinagkaloob sa iyo ng langit.
Minsan, nakakainggit ang mga may karelasyon. Minsan, parang masarap ang may nagmamahal.
Minsan, nasasabi natin na bakit sila, masaya at maligaya, pero ang totoo, ang nakita nating masaya dahil may karelasyon ay ating kaaawaan dahil nahiwalay, iniwan at nasira ang buhay.
Ang tunay na dahilan ay ang pagmamadali na magmahal kaya tulad ng madalas nating naririnig, ang nagmamadali ay nadarapa at nasasaktan, samantalang ang mga naghihintay ay tunay na lumiligaya sa buhay.
Muli, ayon sa iyong panaginip, makapag-aasawa ka kaya huwag kang mawalan ng pag-asa.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments