Trabaho para kina lolo at lola sa buong bansa, aprub!

Pagtuntong ng edad na 50, marami na ang naghahanda para sa kanilang retirement. ‘Yung iba naman, kahit retired na ay todo-kayod pa rin para sa pamilya o dahil ayaw lang nilang mabakante o magpahinga.
At kung sa ilang lungsod tulad ng Maynila ay aprub na aprub ang pagtatrabaho nina lolo at lola, ngayon ay puwede nang magkaroon ng trabaho ang mga senior citizen sa buong bansa.
Ito ay matapos ilunsad ng Ang Probinsyano Partylist sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE), Tulong Panghanapbuhay para sa Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program at Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang pagbibigay ng trabaho sa mga senior citizen sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kabilang na sa mga pampubliko at pribadong unibersidad sa bansa.
Ayon kay Rep. Ronnie Ong ng Ang Probinsyano Partylist, lumagda sila ng memorandum of agreement (MOA) para sa implementasyon ng naturang programa. Paliwanag ng mambabatas, PUP ang unang tatanggap ng unang batch ng senior citizens kung saan kada tatlong oras sa umaga at tatlong oras sa hapon ang kanilang pasok at prayoridad ang nakatira malapit sa unibersidad.
Gayunman, ang sahod ng mga senior citizen ay kukunin sa alokasyon ng DOLE sa TUPAD. At sa ilalim ng programa, nakabase ang sahod ng mga senior citizen sa minimum salary kada rehiyon.
Samantala, inihain din ng mambabatas ang House Bill 5362 o Senior Citizens Employment Opportunity Act para masiguro ang awtomatikong trabaho para sa mahihirap na Pinoy na nasa edad 60 pataas.
Napakalaking tulong nito sa mga senior citizen na kaya pang magtrabaho, pero walang oportunidad dahil sa panahon ngayon, edad at pisikal na kapasidad ang pangunahing pinagbabasehan sa pagpili ng empleyado.
Siguradong magkakaroon ng pag-asa ang mga lolo at lola nating kailangan pang kumayod para maitaguyod ang araw-araw na pamumuhay.
‘Ika nga nila, walang perpekto kaya siguradong makakaengkuwentro ng iba’t ibang klase ng problema kaya kapag nangyari ito, sana ay huwag iwanan sa ere ang mga senior employee.
Gayundin, sana ay magtuluy-tuloy ang programang ito dahil sa totoo lang, napakaraming senior citizens ang hindi nabibigyan ng oportunidad na makapagtrabaho kahit kaya pa ng kanilang katawan at isipan.
Para naman sa mga may makakatrabahong senior citizen, kaunting pasensiya at pang-unawa lang dahil kung tutuusin, malaking tulong na ito para sa kanila. Bigyan natin sila ng magaan na awra sa trabaho para iwas-pressure at taranta kina lolo at lola.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments