Robles, ready sa SEAG nang makaginto sa World Tilt
- Gerard Arce
- Nov 12, 2019
- 1 min read

Hindi natinag sa mga bigating manunudla ng mundo ang Filipina national archer na si Andrea Robles matapos tudlain ang gintong medalya sa women’s compound competition sa nakalipas na 2020 Indoor Archery World Series, Linggo, sa Venetian Resort Hotel sa Macau, China bilang paghahanda na rin sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games sa bansa ngayong taon.
Pinataob ng 21-anyos na Ateneo De Manila University graduate ang World number 3 at 24-anyos na si Paige Pearce ng U.S. sa iskor na 141-135 na dikitang laro sa championship round.
“I’m feeling really good. I’m feeling really happy that I (won), especially because it’s my first time at these events,” pahayag ng World number 81 sa worldarchery.org. “I’m just having fun with it, training my best and enjoying,” dagdag nito.
Dinaig ni Robles ang siksik na lineup ng mga pandaigdigang arkero na kinabibilangan nina world number one Alexis Ruiz ng America at top seed at Sarah Prieels ng Belgium. Nakuhang makaabante ni Robles sa 4th place ng makuha nito ang 579 points at talunin sina Xu Lumeng at Natalie Duncan bago tapatan ang world number 19 na si Prieels sa semifinals.
“It’s given me a lot of confidence. It’s also given me an opportunity to see where I need work. My mistakes, see what I did well, wrong,” wika ni Robles na nakahandang gawin ang lahat para maagaw ang titulo sa SEA Games kay Sri Ranti ng Indonesia.
Armado ang pambansang koponan ng pinagsamang beterano at kabataang arkeros para targetin ang gold medal sa recurve at compound event bilang paghahanda sa scheduled game sa biennial meet sa Dis. 5-9 sa Parade Grounds sa Clark City.





Comments