Milyong pondo sa ALS, nasasayang dahil hindi nagagamit nang tama

Nakasaad sa Sec. 2 (4), Art. XIV ng ating 1987 Konstitusyon: “The State shall encourage non-formal, informal and indigenous learning systems, as well as self-learning, independent and out-of-school study programs particularly those that respond to community needs.”
Noon pa man, naniniwala na ang inyong lingkod sa kahalagahan ng kalidad ng edukasyon na itinuturo sa kabataang mag-aaral.
Saanman ang kanilang lugar na pinagmulan, anuman ang kanilang estado o kinatatayuan sa buhay, karapatan ng bawat isa sa kanila na makaranas ng abot-kaya at de-kalidad na edukasyon — kabilang dito ang mga nakatatanda, out-of-school youth, persons deprived of liberty, miyembro ng cultural minorities, indigenous people at persons with disability (PWD).
Ito ang patuloy na tinitiyak ng ating gobyerno bilang pagtugon sa adhikain nito na magkaroon ng de-kalidad na sistema ng edukasyon sa buong bansa.
Isang pamamaraan ay ang Alternative Learning System (ALS). Ito ay non-formal education system kung saan ginagawa ang pag-aaral sa labas ng isang normal classroom setting. Dito, may pagkakataon nang makapag-aral ang mga matatanda, may kapansanan, out-of-school youth, katutubo at iba pang nakatira sa mga liblib na probinsiya.
Sa ALS ginagawa ang pag-aaral sa mga barangay center o multi-purpose hall, library o saanmang lugar sa mga komunidad. Mayroon din itong mga tinatawag na mobile teacher at district ALS coordinator.
Hindi na bago ang konseptong ito sa bansa. ‘Yun nga lang, sa loob ng mahabang panahon ay iba’t iba ang naging representasyon nito, magkakaiba ang mga namuno at opisina o tanggapan ang humawak dito.
Kaya ngayong ika-18 Kongreso, muli nating inihain ang panukalang-batas na Senate Bill No. 740 o pagpapaigting at pagsasaayos sa imprastruktura ng ALS. Kamakailan lamang ay pinangunahan natin ang pagdinig sa Senado tungkol sa kalagayan ng nasabing programa ng Department of Education (DepEd).
Ating nadiskubre na isa sa mga dahilan kaya naisasawalambahala ang ALS ay ang kakulangan ng kongkretong impormasyon at ng tamang pamantayan nito. Nakalulungkot na ang mga nakapasa sa mga kumukuha ng Alternative Learning System Accreditation and Equivalency (ALS A&E) Test ay naglalaro lamang sa 30 hanggang 40 porsiyento.
Base sa taunang pondo ng DepEd noong 2017, mayroong P 633 milyong halaga para sa ALS habang bumagsak naman ito ng P 533 milyon noong 2018. Taun-taon, naglalaan ng pondo ang gobyerno para rito.
Hindi man kalakihan ngunit, may pakinabang, kabuluhan at pinaghirapan pa rin ito ng ating mga kababayang nagbabayad ng kanilang buwis.
Inilahad ni Roderick Corpuz, Supervising Education Program Specialist ng ALS Task Force na mayroong 4,876 mobile school teachers ang ALS, 9,535 bilang ng mga guro, 333 full-time district house coordinators at 109 part-time district coordinators.
Ibinahagi niya ang mga numerong ito upang maipakita na hindi pa rin ito sapat para mapunan ang mga pangangailangan ng 623,329 estudyanteng naka-enroll dito.
Nakapaloob sa ating panukalang-batas ang mandatong paglalagay ng ALS sa bawat barangay sa buong bansa at pagkakaroon ng Mobile Teacher Program para sa mga malalayo at hindi mapayapang komunidad, lalo na para sa mga persons with disability o PWD na mag-e-enroll.
Tayo ay naniniwala na kung magkakaroon lamang ng maayos na istruktura ang programang ALS, matututukan ang mga pagkukulang at mapahuhusay pa ang kalidad ng sistema nito.
Upang dumami pa ang mga guro, madagdagan ang pondo at mapaganda ang mga pasilidad, nangangahulugan ito na kailangan nang mawakasan ang paiba-ibang tanggapan na naatasang pamunuan ang nasabing programa.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, tutugunan natin ang mga pangangailangan at aksiyon upang mapabuti ang programang ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




