Iba’t ibang kontrabando sa bilibid, winasak
- Gina Pleñago
- Nov 12, 2019
- 1 min read

Nasabat sa loob ng Bureau of Correction (BuCor) ang samu’t saring kontrabando na winasak ng pison matapos ang flag raising ceremony kahapon ng umaga sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Iba’t ibang kontrabando mula sa mga quadrant ng NBP ang nakumpiska at dinurog ng pison sa labas ng NBP.
Nagalit si Usec. General Gerald Bantag kung saan tumulong ito sa pagwasak sa mga nakumpiskang kontrabando, partikular na ang mga cellphone gamit ang maso.
Napakaraming electronic gadgets kabilang na ang mga cellphone, laptop, powerbank, charger, portable WiFi at mga patalim ang winasak sa labas ng NBP.
Ani Bantag, kusa na ring nagsisuko ang mga inmate ng kanilang mga itinagong kontrabando mula nang isagawa ang sunud-sunod na clearing operation sa loob ng NBP.
Halos isang malaking drum naman ng mga tabako ang sinunog ng mga tauhan ng BuCor.
Inamin din ni Bantag na may banta na rin ang kanyang buhay ayon umano sa Intel report pero, hindi umano siya nababahala at gagawin pa rin niya ang sinimulan niyang trabaho at tapusin ang korupsiyon sa loob ng Pambansang Piitan.
Binigyang-diin ni Bantag na hindi siya mag-aahit ng kanyang balbas hangga’t hindi natatapos ang problema sa loob ng Bilibid.





Comments