370,000 nadale sa dengue — DOH
- Madel Moratillo
- Nov 12, 2019
- 1 min read

Lumobo na sa mahigit 370,000 kaso ng dengue ang naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa habang mahigit 1,400 naman ang nasawi.
Sa datos ng DOH Epidemiology Bureau, mula Enero 1 hanggang Oktubre 19, 2019 umakyat na sa 371,717 ang dengue cases na kanilang naitala, kabilang dito ang 1,407 pasyente na namatay dahil sa dengue.
Ayon sa DOH, higit pa sa doble ito sa naitala nilang 180,072 dengue cases at 927 dengue deaths noong 2018.
Nabatid na ang mahigit 80,000 dengue patients ay mga batang nasa pagitan ng lima hanggang siyam na taong gulang.
Matatandaang, una nang nagdeklara ang DOH ng national dengue epidemic sa bansa kamakailan dahil sa biglaang paglobo ng mga pasyenteng dinarapuan ng sakit.
Nitong Oktubre ayon sa DOH ay bumaba ang mga naitalang kaso ng dengue pero, hindi naman umano ito dahilan para maging kampante.
Ayon sa DOH, mula Oktubre 13 hanggang 19 ay umabot lamang sa 5,927 bagong dengue cases ang naitala nila na 23 porsiyentong mas mababa kumpara sa 7,656 kaso na naitala nila sa kahalintulad na panahon noong 2018.
Bumaba rin ang bilang ng dengue deaths sa naturang mga petsa na umabot lamang sa 20, kumpara sa 40 namatay noong nakaraang taon.
Sinabi naman ni Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo na trend naman na bumababa ang kaso ng dengue tuwing matatapos na ang taon ngunit, dahil sa climate change at patuloy na mga pag-ulan ay asahan nang may darapuan pa rin ng sakit.
Paalala ni Domingo, ang dengue ay isa na ngayong year-round disease kaya dapat na manatiling vigilante ang lahat upang hindi dapuan nito.





Comments