3 PNP officials, sibak sa kotong

Tanggal sa serbisyo ang tatlong pulis na umano’y magkakasabwat na nangotong sa isang bidder ng 3,000 units ng body camera ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang ipinahayag ni PNP Officer-in-Charge Lt. General Archie Gamboa sa regular na pagpupulong-balitaan sa Camp Crame, kahapon.
Tinukoy ni Gamboa ang tatlong police officials na pawang mga may ranggong major na sina Emerson Sales, Rholly Caraggayan at Angel Beros na miyembro ng Bids and Awards Committee Technical Working Group.
Ayon kay Gamboa, sina Sales at Caraggayan ay nag-AWOL na o absent without official leave, habang si Beros naman ay aktibo pa sa serbisyo.
Matatandaang, noong 2017 nanawagan ang publiko na dapat magkaroon ng body cameras ang mga pulis kapag sumabak sa anti-illegal drugs operations.
Inilabas ang P334 milyong pondo noong 2018 pero, naantala ang pagbili ng body cameras dahil hanggang ngayong patapos na ang 2019 ay nasa bidding process pa rin ang programa.
Ani Gamboa, nitong taon lamang na kasalukuyan ay nadiskubre ng pamunuan ng Pambansang Pulisya ang umano’y extortion kung saan aabot sa P5 milyon ang nakulimbat ng tatlong pulis mula sa isang pribadong kumpanya.
Nabulgar lamang ang anomalya nang magsumbong ang bidder sa kabila ng lahat ng naibigay nitong “pampadulas” sa tatlong pulis ay na-disqualified pa rin ito sa post-evaluation process.
Sa kasalukuyan ay nasibak na sa kani-kanilang posisyon ang tatlo habang sila ay isinasailalim sa pag-iimbestiga ng Internal Affairs Service ng PNP.





Comments