Indonesia nagtitipid, 670 athletes lang sa SEAG
- Gerard Arce
- Nov 11, 2019
- 1 min read

Pinaplanong magpapadala lang ang Pambansang koponan ng Indonesia ng 670 atleta para sa 45 sports na sasabak sa 30th edisyon ng SEAG na nakatakda sa Nob. 30-Dis. 11 sa iba’t ibang panig ng Luzon ngayong taon.
Ayon sa Nam News Network (NNN) ng Malaysia, inihayag ni Indonesian Olympic Committee (KOI) head Erick Thohir na dahil sa mga limitasyon sa badyet, posibleng magkaroon ng pagbabago sa pampalakasan ng ilang atleta para sa regional multi-sports event.
Ito ay kasalukuyang nasa proseso ng pagsusuring isinagawa ng kanilang komite. “But the important thing is that government allocation to finance Indonesian sports delegation in the event won’t be changed, remains set at 47 billion rupiah (about USD3.3 million),” pahayag ni Thohir. “The KOI would welcome potential athletes or team willing to compete in SEA Games on their own budget,” dagdag nito.
Inamin nitong nagkaroon na ang ganitong kaganapan noong 2015 Singapore Games, kung saan naglabas ng sariling pondo ang ‘national basket association’ para ipadala ang kanilang women’s team.
Inaasahan na umano ni Thohir na mag-uuwi ng 45 gintong medalya ang kanilang bansa sa SEAG o mas mataas pa sa 38 na nakuha nila noong 2017 Malaysian Games.
Kabilang sa mga tinitingnang hahakot ng medalya para sa kanila ang athletics, archery, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, cycling, football, karate, wushu, golf, gymnastics, weightlifting, volleyball, shooting, hockey, squash, softball at E-sport.
Mayroong kabuuang 58 playing venues ang susuriin ng mga opisyales partikular na ang mga palaruan sa New Clark City sa Pampanga na nakatakdang magsagawa ng 17 sports, gayundin ang Subic, Zambales na may 17 sports din at ang Metro Manila na may 24 sports na pagdarausan.





Comments