CTG Pilipinas, kampeon sa Jakarta 3x3 challenge

Tahimik na lumipad papunta sa Indonesia ang Chooks To Go Pilipinas subalit gumawa sila ng malaking ingay sa pagwalis nila ng kampeonato ng Jakarta 3X3 International Invitational Challenge na nagtapos Sabado ng gabi sa CGV Sports Hall. Hindi pinatawad nina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, Leonard Santillan at Troy Rike ang apat na iba pang bansa sa elimination round at umulit sila sa Indonesia sa championship, 21-17.
Tabla ang talaan sa 17-17 at 3:17, at iyan ang naging hudyat para ibuhat nina Munzon at Pasaol ang Pilipinas sa pamamagitan ng apat na sunud-sunod na puntos sa loob ng 19 segundo upang itigil ng maaga ang laro.
Winasak ni Munzon ang talaan dahil naagaw niya ang bola na nagresulta sa buslo ni Pasaol sabay kuha ng foul at napasok ang dalawang free throw na may 2:58 sa orasan.
Bago ang kampeonato, tinalo ng Chooks To Go ang Vietnam, 19-14, kaya halos wala silang pahinga kumpara sa mga Indonesia na may isang oras na ang nakaraan matapos ang kanilang huling laro.
Binuksan ng mga Pinoy ang kanilang kampanya sa tagumpay kontra Chinese-Taipei (21-9) at Malaysia (21-17) at sinundan ito ng pagbigay sa Indonesia ng kanilang unang talo, 21-13.
“Una, inaalay namin ang panalong ito sa sambayanang Filipino, para sa kanila ito at pangalawa, ang torneo na ito ay magandang simula sa paghahanda para sa Olympic Qualifier sa Marso,” wika ni Pilipinas 3X3 Commissioner at delegation head Coach Eric Altamirano.
Ang torneo ay proyekto ng Indonesian Basketball Association (PERBASI) at tinampukan ng mga koponan na naghahanda para sa 30th Southeast Asian Games ngayong buwan sa Pilipinas.
Magpapahinga saglit ang mga players ng 3X3 at magbabalik sila agad para maghanda para sa pagbubukas ng President’s Cup sa Enero. Ang mga kandidato para sa Olympic Qualifier ay ipadadala rin sa Europa at Tsina upang mag-ensayo ng masinsinan.





Comments