Kabataang mulat sa pagdadalamhati ng bayan dahil sa kaliwa’t kanag patayan at krimen
- Fr. Robert P. Reyes
- Nov 10, 2019
- 2 min read
Nagtipun-tipon ang mahigit isang libong kabataan mula sa iba’t ibang parokya, paaralan ng Simbahang-Katolika upang ipagpatuloy ang sinimulan ni Papa Benedikto kasama ng ilang propesor ng theology, katekista, manunulat at iba pang piling kabataan.
Ano ang kanilang layunin? Nais nilang gumawa ng bago at madaling paraan upang maunawaan ng kabataan ang katekismo.
Nagtungo sa tahimik na lugar ang grupong nasa 50 miyembro upang obserbahan at pag-aralan ang simple at angkop na katekismo ng Simbahan para sa kabataan. Ibinunga nito ang Youth Catechesis (YouCat) o katekismo para sa kabataan. Nagustuhan ito ng Vatican City kaya sinimulan itong ikalat at isalin sa iba’t ibang wika.
Noong ika-7 hanggang 9 ng Nobyembre, 2019, idinaos ang ikalawang YouCat sa bansa kung saan dinaluhan ito ng kabataang Katoliko mula sa bawat diosesis ng buong bansa. Ito ay may temang, “Ang Simbahang Nagdadalamhati o The Grieving Church.”
Nagdadalamhati ba ang Simbahan, paano at bakit?
Isa si Obispo Pablo David sa mga nagpaunlak sa nasabing okasyon. Sa kanyang panayam, marami siyang ipinakitang larawan at video ng iba’t ibang patayan sa Diyosesis ng Caloocan City kung saan tunay na nakadudurog ng puso ang mga ito.
Pinagmasdan natin ang kabataang nagtitipon sa Iloilo Convention Center kung meron silang naiintindihan sa panayam ni Bishop Ambo. Bagama’t, may ilang parang walang reaksiyon sa nasabing video, karamihan ay nababakas sa kanilang mukha ang lungkot.
Nagbigay ng iba’t ibang panayam ang limang Obispo, isang pari at isang laykong lalaki sa pitong Simbahan. Na-assign tayo sa Simbahan ng Santa Monica sa Pavia, Iloilo. Halos mapuno ang malaking simbahan hanggang sa likuran ng kabataang galing sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Sa loob ng mahigit isang oras na panayam na ibinigay natin sa mga kabataang pumuno ng simbahan ng Santa Monica, napansin natin ang kakaibang pagsisikap na makinig ng kabataan. Marami tayong hamon sa kanila habang ibinabahagi ang ating karanasan sa pagbabantay at pamamahayag mula pa noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at hanggang ngayon. “Nakikita at nararamdaman ba ninyo ang hinagpis at dalamhati ng mga maliliit na mamamayan sa inyong paligid? Kung inyong nakikita at nararamdaman, meron ba kayong gagawin o wala?”
Kung napapansin ang masaklap na mukha ng lipunan at naririnig ang mga hikbi ng mga maliliit na pinahihirapan at pinapatay, marahil ay naririnig din ninyo ang dalamhati ng Simbahan.





Comments