Bad example na lider, wa’ ‘K’ sa gobyerno
- BULGAR

- Nov 10, 2019
- 2 min read
Kapag empleyado o opisyal ng gobyerno, hindi maitatangging tila doble o higit pa ang inaasahang serbisyo mula sa kanila.
Bilang kinatawan ng pamahalaan na humaharap sa publiko, dapat taglay nila ang mga katangiang nararapat at mabuti. ‘Yung madaling lapitan at hindi masungit, magalang at hindi bastos, mapagpasensiya at gagawin ang lahat para matulungan ang sinumang lumalapit na nangangailangan. Hindi lang dahil sa taumbayan ang nagpapasuweldo sa kanila kundi dahil ‘yun ang dapat gawin bilang public servant.
Kaya nabahala ang Civil Service Commission (CSC) nang malaman ang kontrobersiya na kinasasangkutan ng isang kalihim ng gobyerno.
Binanatan ni Foreign Affairs Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr. ang isang reporter dahil sa tweet nito kung saan isinaad na si Sec. Locsin ang umupo kasama ng mga world leader sa closing ceremony ng 35th ASEAN Summit. Itinweet nito ang larawan ni Sec. Locsin kasama ang mga top leader ng mga bansa sa ASEAN. Sinabi rin sa kanyang tweet na tila hindi sinipot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing event.
Sagot naman ni Sec. Locsin, huling event naman na ito sa ASEAN at maging sina Indonesian President Joko Widodo at Malaysian Prime Minister Mahathir Bin Mohamad ay hindi rin dumalo sa nasabing event. Kasama sa tweet ni Sec. Locsin ang pagmumura nito sa reporter. “Uh, did you get the p*****i** I sent you? That’s the last event, purely ceremonial and short. Jokowi had left, Mahathir too.”
Malinaw na nakasaad sa batas ang dapat na ugali ng empleyado at opisyal ng pamahalaan. Sa ilalim ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethics Standards for Public Officials and Employees, kailangang maging magalang at mapagpasensiya ang taong nasa serbisyo-publiko. Nabatid na ang sinumang lumabag ay mahaharap sa multa, suspensiyon o pagkatanggal sa puwesto.
At ito naman ang tanong natin sa CSC, paano kung ang mismong pangulo na ang nagmumura o nagsasalita ng sinasabi nilang hindi naaayon bilang lingkod ng gobyerno? Nagtatanong lang po.





Comments