Sagip Sierra Madre Society, adbokasiya ng Dekada Run

Tumakbo kasama ang musika ng inyong kabataan sa Dekada Run 2019 ngayong Disyembre 1 sa Liwasang Ulalim ng Cultural Center of the Philippines simula 4:00 ng madaling araw.
Ang patakbong ito ay handog ng Pinoy Aspiring Runners (PAR) at ang mga malilikom na pondo ay mapupunta sa Sagip Sierra Madre Environmental Society.
Magkakaroon ng mga istasyon sa kahabaan ng Roxas Boulevard kung saan magpapatugtog ng mga sikat na kanta mula sa Dekada 70 hanggang sa kasalukuyan.
Pagkatapos ng karera, may libreng concert para sa lahat ang Fat Divas, Philippine National Police Band at mga sorpresang mang-aawit at artista.
“Gusto namin magkaisa ang mga runner buhat sa lahat ng henerasyon,” wika ni Joseph Balbino, presidente ng PAR.
Dahil dito, maaring pumili ang mga sasali ng isa sa apat na race t-shirt na sumasagisag sa kanilang dekada – Baby Booers (1970s), Titos at Titas (1980s), Millennials (1990s) at Gen Z (2000s).
Lahat ng magtatapos ay gagawaran ng medalya habang lahat ng tatakbo ng 16-kilometro ay bibigyan ng karagdagang t-shirt na may malaking music note sa harap.
Layunin ng Sagip Sierra Madre Environmental Society ang pag-alaga ng mga bundok sa pamamagitan ng pagtanim ng puno at mga katulad na gawain.
Nais din nilang isulong ang mga karapatan ng mga katutubong tribo na naninirahan doon.
Maaring magpalista sa mga sangay ng Garmin sa SM Mall of Asia at SM City North EDSA hanggang Nob.24.
May online registration din sa www.raceyaya. com.
Nanawagan din ang PAR sa lahat ng lalahok na magdala ng sariling lalagyan ng inumin dahil bawal na plastic cups upang tumugma sa adbokasiya ng fun run.





Comments