Knights vs. Red Lions sa best-of-3 finals

Makakaharap ng Colegio de San Juan de Letran ang defending champion San Beda University para sa korona ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) Seniors Basketball matapos nilang wakasan ang kampanya ng Lyceum of the Philippines University, 92-88 sa Cuneta Astrodome kahapon.
Ang seryeng best-of-three ng dalawang matinding karibal ay magsisimula sa Martes sa MOA Arena. Bumuhos ng 10 sunod-sunod na puntos ang Letran na tinapos ng three-point play ni Jerrick Balanza upang ibigay sa Knights ang pinakamalaking kalamangan, 84-72, at 5:24 ang nalalabi sa laro.Hindi basta sumuko ang Pirates at nagawa pa nilang lumapit sa bisa ng dalawang buslo ni Jaycee Marcelino na may 24 segundong nalalabi, 87-90, subalit hindi sapat ang oras.
Pinasok ni Larry Muyang ang pandiin na puntos galing sa eksaktong pasa ni King Caralipio, 92-87 at may 18 segundo sa orasan.
Biglang nagmintis ang mga tira ng Lyceum at isang free throw buhat kay Mike Harry Nzeusseu ang nagtakda ng huling talaan. Nanguna para sa Knights si Fran Yu na may 20 puntos, 5 rebounds at 6 na assists. Sinundan siya ni Muyang na may 19 puntos at 9 rebounds at kahit binantayan ng husto, nagtapos pa rin si Balanza na may 13 puntos. Pinakamaraming puntos para sa Pirates si Marcelino na may 26.Nagtala ng 19 puntos at 15 rebounds si Nzeusseu sa huling laro sa liga.





Comments