top of page

Kasambahay, may ‘k’ humingi ng kasunduan ng pamamasukan sa amo

  • Dr. Persida V. Rueda-Acosta
  • Nov 9, 2019
  • 2 min read

Dear Chief Acosta, Mamamasukan bilang kasambahay ang aking kinakasama at ito ang unang pagkakataon niya sa ganitong trabaho. Nais naming malaman kung maaari ba siyang makahingi ng kasunduan mula sa kanyang magiging amo? Hindi kami nakapagtapos ng pag-aaral, kaya mas mainam sana kung mayroon siyang kasunduan na maaaring balikang basahin sakaling mayroon siyang makalimutan tungkol sa kanyang pamamasukan. Sana ay mapayuhan ninyo kami. Maraming salamat! — Anton

Dear Anton, Alinsunod sa Republic Act (R.A.) No. 10361 o higit na kilala bilang “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay,” kinakailangan na mayroong kasunduan ng pamamasukan sa pagitan ng kasambahay at kanyang amo na nakasulat sa salita o diyalekto na kapwa nila naiintindihan at kinakailangan din na mabigyan ang kasambahay ng kopya ng naturang kasunduan. Batay sa Section 11 ng naturang batas:

“Section 11. Employment Contract. – An employment contract shall be executed by and between the domestic worker and the employer before the commencement of the service in a language or dialect understood by both the domestic worker and the employer. The domestic worker shall be provided a copy of the duly signed employment contract which must include the following:

a. Duties and responsibilities of the domestic worker; b. Period of employment; c. Compensation; d. Authorized deductions; e. Hours of work and proportionate additional payment; f. Rest days and allowable leaves; g. Board, lodging and medical attention; h. Agreements on deployment expenses, if any; i. Loan agreement; j. Termination of employment; and k. Any other lawful condition agreed upon by both parties.

x x x”

Kaugnay nito, maaaring humingi ng kasunduan ang iyong kinakasama mula sa kanyang magiging amo sakaling matuloy ang pamamasukan niya. Maliban sa rekisitong ito ng batas, makatutulong din ang mayroon siyang hawak na kopya ng kasunduan upang maisaisip at maisapuso niya ang mga magiging saklaw ng kapwa obligasyon at responsibilidad nila ng kanyang amo sa isa’t isa.

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page