top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Counseling sa mga bata, isama sa pag-aaralan sa iskul para iwas-depresyon

  • Ryan B. Sison
  • Nov 9, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Isinusulong ng isang non-government organization na isama sa pag-aaralan sa mga eskuwelahan ang pagkakaroon ng “emotional resilience” program.

Tugon ito sa bilang ng kabataang nakararanas ng depresyon sa bansa, ayon sa grupong Natasha Goulbourn Foundation + Mindstrong. Ipinaliwanag ng grupo na nasa 75 lang ang rehistradong child psychiatrists sa bansa ngunit, aabot sa 1 milyong kabataan ang dumaranas ng depresyon kaya malinaw umanong kakaunti ang tumutugon sa nasabing bilang. At sa pamamagitan ng programa, isasailalim sa pure counseling ang bata.

Ayon sa World Health Organization (WHO), nasa 800,000 ang namamatay kada taon sa buong mundo dahil sa suicide kung saan katumbas ito ng isang tao kada 40 segundo. Gayundin, pangalawa ang suicide na sanhi ng pagkamatay ng mga nasa edad na 15 hanggang 29.

Hindi natin maitatangging pabata nang pabata ang nagpapakamatay dahil sa depresyon kaya kung idaraan sa counseling ang bata, sabayan din ng suporta ng pamilya, lalo na ng mga magulang dahil kung matatag ang support system sa bahay pa lang, mas mataas ang tsansa na malampasan ito ng bata.

Samantala, kung kakaunti ang child psychiatrist sa bansa, bakit hindi magbukas ng scholarship ang gobyerno para sa ganitong propesyon? Sa totoo lang, marami tayong kababayan na gustong maging child psychiatrist, pero hindi nagkakaroon ng oportunidad dahil sa hirap ng buhay.

Malaking tulong ito sa kabataang dumaranas ng depresyon dahil kung tutuusin, hindi lahat ay may kakayahang humingi ng tulong sa propesyunal dahil bukod sa hindi kayang magbayad ay wala ring lakas ng loob.

Hindi pa man ito naisasagawa, lahat tayo ay may kakayahang tumulong sa mga taong dumaranas ng depresyon, bata man o matanda. Maging mabuti sa isa’t isa at maging maingat sa mga bibitawang salita dahil hindi natin alam kung may pinagdaraanan ang sinumang kausap natin.

Totoo na walang mukha at edad ang depresyon kaya sana, makatulong tayo sa mga dumaranas nito at hindi maging dahilan para lumala. Panawagan din sa mga magulang, buksan ang isipan kapag nagkuwento ang inyong anak tungkol sa kanilang pinagdaraanan para hindi ito mauwi sa depresyon.

Hindi natin masisigurado kung kailan mababawasan ang bilang ng mga nagpapakamatay dahil sa depresyon, pero puwedeng mabawasan ang mga taong dumaranas nito kung bata pa lang ay mabibigyan na ng kaukulang tulong.

Marami nang buhay ang nasayang dahil dito kaya sana, magtulungan tayo para hindi na dumami pa ang mga ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page