Gen. Albayalde, lusot sa ninja cops, senado, nawalan ng silbi
- Korina Sanchez
- Nov 8, 2019
- 2 min read
Ayon sa ulat, bigong makahanap ang National Police Commission (Napolcom) ng sapat na ebidensiya para iugnay si dating PNP Chief Gen. Oscar Albayalde sa isyu ng “Ninja Cops.”
Hindi na raw sasampahan ng kasong administratibo ang dating PNP chief kaugnay sa kontrobersiyal na buy-bust operation sa Mexico, Pampanga noong 2013 kung saan siya pa ang provincial director.
Ayon kay Napolcom Vice-Chairman and Executive Officer Rogelio Casurao, walang “substantial evidence” para magsampa ng kasong administratibo laban kay Gen. Albayalde.
“We presented the facts that we were able to discover and submitted it to the Secretary of the DILG (Department of the Interior and Local Government) and then from there they were able to come up with that finding that there is no basis to charge Albayalde, administratively,” ani Casurao.
Mahirap umanong patunayan na may alam o kinalaman si Gen. Albayalde sa nasabing operasyon. Taliwas ang kongklusyon ng Napolcom sa resulta ng Senate Blue Ribbon Committee inquiry kung saan inirekomenda nilang kasuhan si Gen. Albayalde kaya kahit may pananagutan siya batay sa ulat ng Blue Ribbon Committee, hindi ibig sabihin ay makakasuhan na agad siya ng kriminal o administratibo. Kung ganu’n, para saan pala ang rekomendasyon ng Senado?
Kaya naman ang mga kriminal na kasong isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na lang ang problema ni Gen. Albayalde na kung si PDEA Chief Aaron Aquino ang tatanungin ay mahina raw.
Ang susunod bang mababalitaan natin ay ibinasura na ang mga kaso laban kay Gen. Albayalde? Hindi naman nakapagtataka.
Sa kabilang banda, sana lang ay huwag mabasura ang kaso laban sa grupo ni Maj. Baloyo dahil napakalinaw at malakas ang mga ebidensiya kaugnay sa mga panlilinlang nito para pagtakpan ang kanilang pagre-recycle sa milyun-milyong halaga ng ilegal na droga.
◘◘◘
Saan ginagamit ang “unprogrammed appropriations” (UA) o pondo na wala pang paggagamitan? Ito ang katanungan ni Sen. Ralph Recto, tila walang transparency sa P216 bilyon na kasama sa ipinanunukalang 2020 National Budget.
Ang pagsasalarawan ni Sen. Recto rito ay pondo na nasa isang kahon, pero walang paggagamitan o tseke na may nakasulat na halaga, pero walang pagbabayaran.
May ibinigay na listahan o dokumento ang Palasyo pero tila hindi pa rin kuntento si Sen. Recto kaya ilalabas niya ang isyung ito sa Senado.
Tila mas malaki pa ang UA kumpara sa budget ng ilang sangay ng gobyerno tulad ng Department of Health (DOH) na P16.6 bilyon lamang. Kung iisipin, isa ito sa mga ahensiya ng gobyerno na kailangan talaga ng pondo. Mula sa badyet na gagamitin sa mga pampublikong ospital tulad ng PGH hanggang sa umento sa suweldo ng mga nurses at iba pang manggagawa nito. Sana lang, gawin nilang makatwiran ang paggagamitan ng malaking halaga sa Pambansang Badyet, hangga’t maaari ay bigyang-linaw nila ito kung saan mapupunta ang UA.





Comments