top of page
Pokwang.jpg

Tigers, sumampa sa stepladder semis vs. Fighting Maroons na

VA
Nov 7, 2019
1 min read

Nakamit ng University of Santo Tomas ang karapatang harapin ang second seed at twice-to-beat University of the Philippines para sa huling finals berth matapos pataubin ang Far Eastern University, 81-71 kahapon sa simula ng stepladder semifinals ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.

Halos ‘di paawat si Soulemane Chabi Yo sa pananalasa sa gitna habang naging mainit ang mga kamay nina Brent Paraiso at Renzo Subido upang pamunuan ang Growling Tigers na mamayani sa knockout match nila ng Tamaraws.

Na-outscore ng Tamaraws ang Tigers sa second half, 43-27 ngunit naging sapat ang kanilang nailamang noong first half, 54-28 at paghigpit ng kanilang depensa sa final stretch upang makamit ang panalo.

Nakuha pang dumikit sa second half ng FEU sa pamumuno ni L-Jay Gonzales, 65-70, may natitira pang mahigit 6 na minuto. Ngunit naitaas itong muli ng UST sa pagtutulungan nina Chabi Yo, Subido at Mark Nonoy 78-65 papasok sa huling minuto.

Hindi agad bumitaw ang Tamaraws at ibinaba ulit ang lamang sa 71-78, 44 na segundo ang natitirang oras matapos ang back-to-back 3 points nina Ken Tuffin at Xyrus Torres. Subalit iyon na ang huli nilang pagdikit habang sinelyuhan nina Zachy Huang at Paraiso ang panalo nila sa freethrow line.

Tumapos na topscorer si Chabi Yo para sa Tigers sa itinalang 25 puntos at 10 rebounds kasunod si Paraiso na may 18 puntos at Subido na nagtala ng 14 puntos.

Nanguna sa Tamaraws na nabigong makaabot ng Final 4 round sa unang pagkakataon mula noong 2016 si Tuffin na may 20 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page