P33 bilyon kada taon, nawawala sa ‘Pinas dahil sa maagang pagbubuntis ng mga edad 10
- Kuya Win Gatchalian
- Nov 7, 2019
- 2 min read

Isa sa mga usapin na kailangang tutukan ng ating gobyerno ay ang lumulobong bilang ng mga kabataang nagbubuntis habang sila ay nag-aaral kung saan karamihan sa kanila ay mga menor-de-edad.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ito ay ating binibigyang-atensiyon at pinag-aaralan upang mas maintindihan ang suliraning ito.
Kamakailan ay nanawagan ang Commission on Population and Development (PopCom) na ideklarang national emergency ang teenage pregnancy.
Ito ang dahilan kung bakit nais nating maghain ng resolusyon upang magkaroon ng pagdinig sa Senado para pagtibayin ang Comprehensive Sexuality Education (CSE) dahil umaasa tayong makatutulong ito upang mabawasan ang mga kaso ng maagang pagbubuntis sa bansa.
Sa kabila ng pagsasabatas ng Reproductive Health (RH) Law noong 2012, siyam na porsiyento (9%) sa 4.9 milyong mga kababaihang may edad 15-19 ang nagsimula nang maging ina.
Mula noong 2011 hanggang 2017, umakyat sa mahigit 50 porsiyento (50%) ang bilang ng pagbubuntis sa kababaihang may edad na 10 hanggang 14. Ayon sa pag-aaral ng PopCom, 30 hanggang 50 kaso rito ay pagbubuntis ng mga batang may edad 10.
Sadyang nakapangangamba rin ang datos ng 2017 Annual Poverty Indicators Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) dahil ayon sa pag-aaral, ang pagpapakasal at mga usaping-pampamilya ang mga pangunahing dahilan ng hindi pagpasok ng mga babaeng out-of-school children and youth (OSCY) na may labing-anim hanggang 24 taong gulang.
Dahil dito, napagkakaitan ang mga kabataan nang maayos na kalusugan at magandang kinabukasan kung hindi natin sila nagagabayan sa usapin ng RH Law.
Naniniwala tayong kung may mabisang programa at sapat na kakayahan ang mga paaralan upang ituro ang CSE, maiiwasan natin ang pagdami ng mga batang tumitigil sa pag-aaral dahil sa maagang pagbubuntis tulad na lamang ng pag-aaral ayon sa 2017 National Demographic and Health Survey (NDHS) ng PSA.
Nakita rin sa kanilang pag-aaral na mas mataas ang posibilidad ng maagang pagbubuntis sa mga kabataang nakatira sa labas ng mga lungsod.
Ayon sa NDHS, 10 porsiyento ng kababaihang mula sa labas ng mga siyudad at may edad na 15 hanggang 19 ang nagsimula nang magbuntis.
Mas mataas ito ng tatlong porsiyento (3%) sa bilang ng kababaihang nasa parehong edad at nakatira sa mga lungsod.
Ayon pa sa United Nations Population Fund (UNFP), P33 bilyon kada taon ang nawawala sa ating bansa dahil sa mga kaso ng teenage pregnancy.
Ang hindi nila pagpasok sa paaralan, kawalan ng sapat na impormasyon at kakulangan sa pangangalaga ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit maagang nabubuntis ang mga kabataang ito, lalo na ang mga kabilang sa pamilya na may kakapusan sa mga gastusin.
Higit sa lahat, ang malungkot na epekto nito ay maaaring makasira sa kanilang edukasyon at kinabukasan.
Dahil dito, mahalagang magkaroon ng mga polisiya at pamantayan upang masiguradong matugunan ang ganitong sitwasyon.
Tandaan, ang pagpoprotekta sa kabataan mula sa maagang pagbubuntis ay masusing daan upang sila ay maging matagumpay at produktibong miyembro ng ating lipunan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments