top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Mamang drayber na sangkatutak ang traffic violations, lagot!

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 7, 2019
2 min read

Kaway-kaway sa mga bus driver na sangkatutak ang traffic violations pero hayahay at nakakapagmaneho pa rin!

Well, bilang na ang maliligayang araw ninyo dahil hapan na kayo bago mag-Pasko. Ito ay matapos tiyakin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na sa pamamagitan ng Land Transportation Office (LTO) ay higit 1, 000 bus drivers ang mababawian ng lisensiya.

Uunahin muna ang 100 pasaway na may mahigit 100 traffic violations. Ang titindi n’yo po! Base sa pagsisiyasat ng ahensiya, may isang bus driver na may 533 violations mula noong 2006 — bukod pa sa 24 na paglabag nito ngayong taon — ang nakabibiyahe pa rin. Natuklasan ito nang halukayin ang database ng LTO mula noong 2005.

Kabilang sa mga paglabag ay ang hindi pagsunod sa traffic signs, loading at unloading areas at paglampas sa yellow lane policy. ‘Ika nga, basic! Kahit bata, alam ang ibig sabihin ng mga batas na ito. Sadyang may mga drayber na makakapal ang mukha.

Pero ang tanong, bakit nakabibiyahe at may lisensiya pa rin ang mga drayber na may patung-patong na paglabag? Ang sagot ng MMDA, dahil sa problema sa koordinasyon at computerized connectivity ng mga ahensiya kaya hindi agad nakikita ng LTO ang traffic violations ng mga nagpapa-renew ng lisensiya.

Alalahanin natin, sa ilalim ng RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code of the Philippines, ang drayber na lumabag ng violation nang mahigit tatlong beses sa isang taon ay maaaring maharap sa awtomatikong suspensiyon ng lisensiya na aabot sa dalawang taon. Malinaw na may batas, pero anyare?

Hindi lang ito tungkol sa mga drayber na pasaway at operators na kunsintidor kundi para rin ito sa ating mga komyuter. Wala tayong kamalay-malay na ipinagkakatiwala natin ang nag-iisang buhay sa taong hindi marunong sumunod sa batas. ‘Yung simpleng ‘stop and go’ kapag hindi sinunod ay puwede tayong maaksidente at mamatay.

Ganu’n lang kasimpleng may masasayang na buhay o maraming buhay. Mamang drayber, konsensiya lang, please?!

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page