Ninja Cops, tuluyan para hindi paulit-ulit ang kalokohan
Mabuti naman at sinibak na rin ang pulis na bukod sa sangkot sa kontrobersiyal na operasyon sa Antipolo ay sangkot din pala ito sa operasyon sa Mexico, Pampanga o sa kontrobersiyal na “Ninja Cops”.
Hindi natin maintindihan kung bakit suspensiyon ng dalawang buwan lamang ang unang ipinataw na parusa kay Police Lt. Joven de Guzman, samantalang, sinibak ang tatlo nitong kasama na sangkot din sa nasabing mga operasyon.
Ito ang patunay na kapag gumawa ng katiwalian o krimen ang pulis, mas malaki ang tsansa na uulit lang ito kapag hindi agad sinibak sa serbisyo. Hindi talaga kuntento ang mga ‘yan kahit doblado na ang kanilang suweldo. Tsk!
Sa tingin natin, tila mas naging gahaman sa pera ang mga ito kaya hindi makatiis na hindi gumawa ng kalokohan.
Ilang pulis pa kaya ang nasasangkot sa katiwalian, pero patuloy pa rin sa serbisyo dahil sa kasalukuyang sistema?
◘◘◘
Kung si PDEA Chief Aaron Aquino raw ang tatanungin, tila mahina ang isinampang kasong kriminal ng CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) laban kay dating PNP Chief Gen. Oscar Albayalde at ito ay ang paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang gusto niya ay palakasin pa ng CIDG ang kaso sa pamamagitan ng pagsampa ng karagdagang kaso na may bagong ebidensiya dahil baka maibasura lang daw ito.
Sa totoo lang, hindi na tayo magtataka dahil kung si Police Lt. De Guzman nga na sangkot sa mga kontrobersiyal na operasyon sa Antipolo at Pampanga ay suspensiyon ng dalawang buwan lang ang naunang parusa, eh, di may posibilidad na maibasura rin ang kaso laban kay Gen. Albayalde.
Siguro, ang tinutukoy na mahinang kaso ay hinggil sa umano’y kinita ng mga ito mula sa ilegal na droga.
Samantala, naniniwala si DILG Sec. Eduardo Año na may pananagutan si Gen. Albayalde dahil sa “command responsibility” o dahil siya ang mataas na opisyal nang maganap ang nasabing operasyon.
Sa huli ay maghintay na lang tayo at sana lang ay huwag matalo ang katotohanan sa kung ano ang mangyayari.





Comments