top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Hamon kay VP Leni vs. drugs, start na!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 6, 2019
  • 2 min read

Pormal nang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bise-Presidente Leni Robredo bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Kumbaga, ang VP ang magiging katuwang ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa giyera kontra droga.

Matatandaang, una nang hinamon ni Pangulong Duterte si VP Robredo na labanan ang drug war sa loob ng anim na buwan na sinundan naman ng umano’y text message ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, bagay na tila hindi raw seryoso ayon sa kampo ng VP.

Hanggang sa maglabas na ng memorandum na may petsang October 31, 2019, na pirmado nina Pangulong Duterte at Executive Sec. Salvador Medialdea. Nakasaad dito ang pormal na pagtatalaga na tatagal hanggang sa June 30, 2022 maliban na lamang kung babawiin ng pangulo ang kautusan.

Habang isinusulat ito, wala pang tugon ang VP, bagama’t, marami na ang nagbigay ng iba’t ibang reaksiyon tulad nito, “Kapag tumanggi si VP Robredo, lalabas na ayaw niyang tumulong at hanggang banat lang siya. Pero, kung tatanggapin niya ay baka madale siya ng administrasyon at pagmukhaing palpak at siya ang sisihin sa drug war.”

Sakaling tanggapin ng VP ang pagiging drug czar, makikita natin kung paano niya ito didiskartehan. Itutuloy ba niya ang Oplan Tokhang o may iba siyang strategy? Siya na kaya ang babangga sa mga drug lord? Mauubos kaya niya ang ninja cops at narco-politicians? Matitigil na kaya ang pagbaha ng ilegal na droga at masusugpo ang mga karumal-dumal na krimen?

Marami pang tanong. Parehong katanungan na hinihintay din nating masagot mula nang maupo si Pangulong Duterte at magdeklara ng war on drugs. Hindi natin alam kung sino ang may kakayahan hangga’t hindi nangyayari.

Nauunawaan natin ang matinding laban sa droga at hindi ito matatapos nang anim na buwan, tatlong taon o anim na taon kung hindi puspusan at buo ang pagkilos. Hindi ito kaya ng isang bayan na pinaghihiwalay ng iba’t ibang ‘kulay’.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page